Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng one-time gratuity pay na nagkakahalaga ng P7,000 para sa mga contract at job order workers sa gobyerno.
Ang karagdagang sahod sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 39 na nilagdaan noong Disyembre 11, 2025, ay para sa mga contract of service (COS) at job order (JO) employees na nakapagbigay ng kabuuang apat na buwan o mahigit pang serbisyo hanggang Disyembre 15, at may mga kontratang epektibo pa sa kaparehong petsa.
“Granting a year-end Gratuity Pay to COS and JO workers is a well-deserved recognition of their hard work and valuable participation in the implementation of various programs, activities, and projects (PAPs) of the government, and their pivotal role in the delivery of government services amidst the present socio-economic challenges,” nakasaad sa AO.
Ayon sa AO, bagaman tumatanggap ang mga COS at JO workers ng sahod na katulad sa mga regular na empleyadong nasa katulad na posisyon sa gobyerno, hindi naman nila natatanggap ang mga benepisyong ibinibigay sa regular employees. Kabilag dito ang mid-year at year-end bonus, performance-based bonus, at personnel economic relief allowance.
Ang mga empleyadong nakapaglingkod nang mas mababa sa apat na buwan na may satisfactory service ay maaari pa ring makatanggap ng gratuity pay sa pro-rata basis, ayon pa sa AO.
Ang mga naka-tatlong buwan na mahigit ngunit mas mababa sa apat na buwang serbisyo ay makatatanggap ng gratuity pay na hanggang P6,000. Ang may dalawang buwan naman ngunit mas mababa sa tatlong buwan ay hanggang P5,000. Samantalang ang may mas mababa sa dalawang buwan na serbisyo ay hanggang P4,000.
Saklaw ng kautusan ang mga manggagawa sa national government agencies, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations, at local water districts.
Ilalabas ang gratuity pay nang hindi aabot sa December 15.—FRJ GMA Integrated News
