Idinadaan ng mga tindero at tindera sa maingay na pagkalampag ng mga palanggana, bakal at gong tuwing hapon ang pagtutol nila sa mungkahing gawin umanong mall ang Baguio City Public Market, na itinuturing nang institusyon sa lugar.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang pag-iingay ng mga vendor ng 3 p.m. upang ipakita ang kanilang pagprotesta sa plano.

"'Yun ang aming gesture na we are crying out at voice po namin na manininda dito sa palengke ng Baguio. Para kami po ay marinig ng aming councilors sa mismong City Hall. Ang palengke ay para sa tao ng Baguio City. Hindi po namin kailangan ng isa pang mall dito sa palengke dahil hindi na ito matatawag na public market 'pag may mall pa," sabi ng tindera ng gulay na si Florencia Leocadio.

Sa loob ng mahigit 100 taon, naging pangunahing sentro ng kalakalan ang Baguio City Public Market para sa mga produkto mula sa Cordillera-- kabilang ang mga gulay, prutas, karne, bulaklak, at kape. Ito rin ay naging pangunahing destinasyon para sa mga turistang bumibisita sa lungsod.

Para sa mga tindera gaya ni Aling Perpetua Degsi, sa pamilihan na umikot ang kaniyang buong buhay.

"Dito na po ako lumaki. At least, awa ng Diyos, eh sapat pa rin naman para kami maka-survive," sabi niya.

Ngunit nagsimulang mangamba ang mga tindero at tindera sa pamilihan matapos mabalitaan ang enggrandeng plano ng lokal na pamahalaan para sa pagsasaayos ng kanilang palengke.

Maliban sa mas magiging bago, umugong ang mga balitang patatayuan din ito ng mall at parking area para matugunan ang lumalalang problema sa traffic sa Baguio City.

Dahil dito, ikinatakot ng mga vendor na bukod sa matitigil sila sa trabaho, mas tataas din ang upa o renta nila ng puwesto at hindi nila ito makakayanang bayaran.

"Nakakaramdam kami ng takot, panghihinayang, awa sa sarili. Kasi wala na kaming uuwian talaga e. Umaasa kami na sana naman may mga tao, may opisyal tayo, isinasaalang-alang 'yung mga kalagayan ng mga kagaya namin,” sabi ni Aling Perpetua.

“Sabi ng mga tao, malaki daw ang renta. Mayaman lang daw ang magtitinda," sabi naman ng 75-anyos na si Lola Catalina Buenavista, na mag-isa na lamang binubuhay ang sarili.

Kasama sa 10-point agenda ni Mayor Benjamin Magalong noong tumakbo siya sa pagka-alkalde noong 2019 ang modernization, o planong pagpapaganda sa Baguio City Public Market.

Sa parehong taon, inaprubahan ng City Council ng Baguio ang Conceptual Master Development Plan para sa proyekto matapos ang ilang public consultation.

Si Sonny Benedicto, tatlong dekada nang vendor at lider ng mga nagtitinda ng gulay, sang-ayon sa plano ni Magalong.

Ngunit pagsapit ng 2020, inanunsyo ni Magalong na nakaakit sa ilang retail giant sa bansa ang kaniyang market modernization project, kaya isusulong umano ng lungsod ang PPP o Public Private Partnership Joint Venture.

Isa sa nagpakita ng interes ang SM Prime Holdings Inc. na nagsumite ng P4.5 bilyong proposal sa pamunuan ni Mayor Magalong.

“The process right now is they submitted an unsolicited proposal back when the city was following the PPP ordinance. But then, the National PPP Code came in, I think that was in the latter part of 2023. May original proponent status na po kasi ang SM as one of the proponents when the PPP law took effect. We followed the procedures under the law, kaya po na-reconfirm 'yung original proponent status nila,” sabi ni Atty. Althea Alberto, city legal officer.

Ikina-alarma ng maraming vendor ang pagpasok ng mga pribadong korporasyon, dahil hindi lang basta simpleng modernization umano ang gagawin sa kanilang palengke kundi ang tinatawag nilang “mallification.”

Sa ilalim ng mallification isasailalim sa renovation para gawing malaking commercial complex o building ang dating public spaces gaya ng pampublikong pamilihan.

“Walang fair na competition, puwede nga niyang lamunin eh. Maliban diyan, dahil nga profit 'yung orientation niya, hirap 'yung ating mga farmers saan nila ibabagsak 'yung kanilang produkto,” sabi ni Geraldine Cacho, chairperson ng Tongtongan Ti Umili.

“Magtitinda rin ‘yung mall ng mga paninda sa market. At saka siguradong may pagkataas na 'yung mga upa. Malulugi kami kasi baka kaunti na lang ang benta,” sabi ni Benedicto.

Malaking kawalan din sa mga vendor ang pansamantalang pag-relocate nila sa slaughterhouse habang inaayos ang palengke.

“Siyempre maapektuhan directly 'yung mga vendors. Hindi ‘yun pupuntahan ng mga tao. At saka parang sardinas na ito, tatlong ektarya itong palengke. Ipagsisiksikan mo lang sa isang ektaryang relocation site. 'Yung ating mga mamimili din, magiging limited ang supply. May hirapan silang pumunta ron,” sabi ni Atty. Zosimo Abratique, President ng Baguio Market Vendors’ Alliance.

Dagdag pa ni Benedicto, hindi na nila kailangan ng isa pang mall. Inulan din noon ang kontrobersiya ang pagpapatayo ng expansion ng mall noong 2012 dahil maraming puno umano ang pinutol matuloy lang ang construction.

Ngunit ang pamunuan ng SM, nilinaw na hindi pinutol kundi “ni-replant” umano ang mga puno noong 2012 na papuntang Luneta Hill.

Minsan nang sinagot o binigyang linaw ni Mayor Magalong ang pangamba ng mga vendor.

“Totally kasinungalingan ‘yung sinasabi nilang mallification. The public market will be owned, operated by the city,” ani Magalong.

“May hindi lang po pagkakaintindihan doon kasi ang paniwala din po ng iba, ‘pag nabigay po sa proponent, sila na po ang magpapatakbo ng market. Hindi po totoo ‘yun. So 'yung itatayo po na Baguio City Public Market, fully under the management of the city po ‘yun. Sa ngayon, ang renta po diyan, ang management, lahat ng patakaran, base po yun sa aming market code. Same din po, ang renta, ang spaces, ang rules and regulations, manggagaling din po sa city,” sabi ni Abratique.

Kasama sa isinumiteng proposal ni Mayor Magalong ang magiging anyo ng Baguio City Public Market kapag natapos itong sumailalim sa modernization. Magkakaroon ito ng walong palapag para sa parking area, tatlo para sa pinaplanong mall at apat na palapag para sa palengke. Tatagal ng 50 taon ang kontrata.

Ngunit ang mahigit 4,000 vendors ng pamilihan, hindi kumbinsido. Kaya mula Oktubre, nagsagawa na rin sila ng signature campaign na layong makakalap ng 25,000 hanggang 30,000 na mga pirma para mapatigil ang proposal.

Tinutukan ng mga vendor ang public session ng Baguio City councilors kasama ang SM Prime Holdings Inc, kung saan muling tinalakay at sinuri ang plano para sa development ng palengke.

Sinubukang hingian ng team ng KMJS ng pahayag ang SM Prime Holdings Inc. pero tumanggi silang magpa-interview.

Malalaman sa susunod na buwan ang pinal na desisyon ng Baguio City Council sa proyekto. – FRJ GMA Integrated News