Inihayag ni Pokwang na kapatid niya ang driver ng pickup truck na nag-viral matapos manakit at magsalita umano ng hindi maganda sa isang lalaking nagtutulak ng kariton habang kasama ang batang anak at umiiyak dulot ng nangyari. Bunsod nito, humingi ng paumanhin ang aktres sa mag-ama dahil sa ginagawa ng kaniyang kapatid.
"Ako po ay humihingi ng paumanhin sa nakaalitan ng aking kapatid na nag-viral po noong nakaraang araw at hanggang ngayon," saad ni Pokwang sa caption ng kaniyang Instagram post.
"Opo, kapatid ko po ang lalaki sa video at hindi ko po kinatutuwa ang kanyang ginawa," saad ng aktres na nagpahayag din ng pagkadismaya sa mga politikong sinamantala umano ang insidente na, "imbes na tutukan ang tunay na problema ng bayan sa ngayon."
Sa video post, humingi ng paumanhin si Pokwang sa lalaking sinaktan ng kaniyang kapatid, at pati na sa kasama nitong anak na bata na nakita sa viral video na umiiyak.
Pangako ni Pokwang sa bata, bibisitahin niya ito.
“Hindi po ako natutuwa at hindi ko po dapat kampihan ‘yung nangyari po dun sa kapatid ko. Kumbaga, syempre nanay din naman po ako” saad niya. “Pero lagi po nating iisipin na laging may other side of story, pero sige po, sa amin na lang po iyon. And humihingi po ulit ako ng kapatawaran doon po sa mag-ama.”
May paalala rin si Pokwang sa mga nag-post ng larawan nila na buong pamilya tungkol sa privacy at “may tinatawag po tayong cyberbullying and cyberlibel.”
“Ingat po kayo kasi mambabatas pa naman kayo, so alam po ninyo dapat po ‘yung tinatawag nating cyberlibel, cyberbullying sir. Pinost po ninyo ‘yung mukha ng buong pamilya ko. Isa lang po ang may kasalanan. Asan po ‘yung privacy, ‘yung proteksyon ng pamilya ko?,” giit niya.
Sa kaniyang pahayag, nagpasalamat si Pokwang kay Antipolo City Mayor Casimiro "Jun" Alcantara Ynares III, na tumulong para maayos ang problema.
“Humihingi din po ako ng paumanhin sa aming mayor,” dagdag ni Pokwang.
Paglilinaw muli niya, hindi niya kinakampihan ang ginagawa ng kapatid. Nagpaalala rin siya sa mga opisyal na maging maingat sa mga ipino-post.
“Again, dun po sa nakaalitan, pasensya na po kayo sa ginawa ng kapatid ko. Maraming salamat po,” ayon sa aktres.
Sa viral video, makikita ang kapatid ni Pokwang na may kaalitang lalaki na nagtutulak ng kariton. Binatukan din niya ang lalaki bago bumalik sa kaniyang sasakyan.
Ayon sa lalaki na nakilalang si Crispin Villamor, pinagbantaan pa umano siya ng driver.
Nitong Lunes, inihayag ng Antipolo police na nagkaayos na ang driver at ang lalaki.
Naglabas naman ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order laban sa driver, sinuspinde ng 90-araw ang kaniyang driver’s license. — Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
