Ipinagpaliban ng dalawang dibisyon ng Sandiganbayan ngayong Biyernes ang arraignment kina dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr. at kaniyang mga kasamang akusado sa mga kasong malversation at graft, na isinampa laban sa kanila kaugnay ng umano’y ?92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa kasong malversation, sinabi ni Sandiganbayan Third Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda, na kinakailangang ipagpaliban ang pagdinig dahil may mga nakabinbin pang mosyon ang mga akusado na kinukuwestiyon ang merito ng kaso.

“The arraignment is reset on February 9, 2026 at 8:30 in the morning,” sabi ni Miranda.

Sa arraignment o pagbasa ng sakdal, maghahain ng guilty o not guilty plea ang akusado kaugnay sa kasong isinampa laban sa kaniya.

Bukod kina Revilla, ang iba pang mga akusado sa kaso ay sina:

  • dating DPWH Bulacan First District Engineering Office Assistant District Engineer Brice Hernandez
  • Engr. Jaypee Mendoza
  • Engr. Arjay Domasig
  • Engr. Emelita Juat, and
  • Finance section chief Juanito Mendoza, at
  • cashier Christina Pineda

Inutusan din ni Miranda ang mga abogado ng mga akusado na ihain ang lahat ng iba pa nilang mga mosyon na humihingi ng remedyo para sa kanilang kliyente bago o pagdating ng Enero 26, Lunes.

Gayundin, inutusan ni Miranda ang mga prosecutor ng gobyerno na maghain ng kanilang mga komento sa mga mosyon ng depensa bago o pagdating ng Enero 28.

Idinagdag niya na bibisita ang mga mahistrado ng Sandiganbayan sa Quezon City Jail Male and Female Dormitory sa Brgy. Payatas sa Biyernes, Enero 23, para tingnan ang kondisyon ng mga nakadetine roon, kabilang ang mga akusado sa mga kasong may kinalaman umano sa mga maanomalyang flood control projects.

Iginiit ng abogado ni Revilla na si Atty. Isaiah Asuncion III sa anti-graft court na nagkamali ang prosekusyon sa pagsasampa ng malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents laban sa dating senador dahil wala sa kaniyang kustodiya ang mga pampublikong pondo na umano'y nalustay.

Dagdag pa rito, sinabi ni Asuncion na ang pagkakasali ng P92.8 milyong proyekto sa ilalim ng 2025 national budget ay walang kaugnayan sa krimeng isinampa kay Revilla.

Si Lorenzo Gayya naman na abogado ni Mendoza, sinabing ang mga kaso laban sa kaniyang kliyente ay bahagi lamang ng kaniyang mga tungkulin, at hindi isang kriminal na gawain.

Graft

Samantala, pinagbigyan naman ni Sandiganbayan Fourth Division chairperson at Associate Justice Michael Musngi, ang mosyon ni Revilla at lima pang akusado na magtakda ng bagong araw ng pagbasa ng sakdal.

Bunga ito ng inihain ng mga nasasakdal na motions to quash o ipawalang-bisa ang criminal information dahil ang mga pangyayari umano ay hindi isang krimen.

Sa mga akusado sa naturang kaso, tanging si Juat lang ang naghain ng not guilty plea.

"On February 9, we will proceed with the arraignment of the other accused," deklara ni Musngi. – Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News