Sa unang pagkakataon, lalahok ang mga sundalo mula sa Japan sa taunang Salaknib military exercises kasama ang Philippine Army at ang United States Army Pacific (USARPAC) sa darating na Abril.
“Salaknib is basically a United States–Philippines bilateral exercise. For the coming Salaknib that’s correct—300 troops from the Japan Ground Self-Defense Force will take part in these various trainings,” ayon kay Philippine Army chief Antonio Nafarrete sa press conference.
“They will join us. The focus will be on infantry combined-arms operations, and there will also be humanitarian assistance and disaster relief activities,” dagdag niya.
Layunin ng taunang pagsasanay na palakasin ang kahandaan sa depensa sa pamamagitan ng pagpapabuti ng tactical interoperability habang pinatitibay ang ugnayang bilateral.
Patuloy ang magkasanib na pagsasanay ng mga kalahok na puwersa upang mapatatag ang katatagan, mapalalim ang institusyonal na pakikipagtuwang, at magsilbing force multiplier sa pagtugon sa parehong conventional and nonconventional security threats.
Ayon sa Philippine Army, ang ilang dekadang alyansa ng mga puwersang Pilipino at Amerikano ay nakabatay sa pagbuo ng tiwala, pagpapahusay ng kakayahan, at pagtiyak na nananatiling nagkakaisa ang magkabilang panig sa kanilang iisang layunin ng kolektibong depensa.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

