Tatlong tao ang nasawi—kabilang ang dating police chief ng Pikit Cotabato— sa magkahiwalay na insidente ng pananambang sa Maguindanao del Sur at Special Geographic Area of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) nitong Martes, March 3, 2026.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, kinilala ng mga awtoridad ang nasawing dating pulis na si retired Police Senior Insp. Elias Dandan, dating hepe ng Pikit Police station.

Nasawi rin ang kasama ni Dandan sa sasakyan matapos silang tambangan sa Datu Montawal sa Maguindanao del Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing papunta sina Dandan sa Pikit mula sa Maguindanao del Sur, nang pagbabarilin sila ng mga salarin na nakasakay sa minivan fired pagsapit nila sa Barangay Pagagawan sa Datu Montawal.

Patuloy inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.

“Sa ngayon, ongoing ang ginagawang investigation at saka coordination sa pamilya nitong ating mga kapulisan para makabigay man lang ng lead kung saan tutumbukin ng ating kapulisan kung merong mga banta sa kanilang buhay before pa ito nangyari sa kanila,” ayon kay Maguindanao del Sur Police Provincial Office Spokesperson, Police Capt. Guiseppe Tamayo.

Samantala, nasawi naman ang isang lalaki sa SGA-BARMM matapos na pagbabarilin habang nagmamaneho ng kaniyang tricycle sa Batulawan, Malidegao.

Sa imbestigasyon, lumitaw na bumili ng pagkain ang biktima at pauwi nang pagbabarilin siya ng nakatakas na salarin.

Patuloy pa imbestigasyon para mahuli ang salarin. – FRJ GMA Integrated News