Inihayag ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na alam ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang tungkol sa mga hakbang na i-impeach siya umano, ngunit itinanggi ito nang komprontahin niya ilang taon ang nakararaan.
Sa panayam sa kaniya sa kaniyang lingguhang programa sa pamamagitan ng Office of the Vice President (OVP), binalikan ni Duterte na ilang miyembro ng Kamara ang nagplano na i-impeach siya simula pa noong 2023 dahil sa maling paggamit umano ng confidential funds.
Dagdag pa ni Duterte, ang pagdinig sa Kamara de Representantes tungkol sa confidential funds ay nilalayong maging isang "fishing expedition" para mangalap ng ebidensiya laban sa kaniya.
Ayon pa sa kaniya, hinahangad ng administrasyong Marcos na maging susunod na pangulo si dating Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez, at isinusulong ng kanilang mga kaalyado ang Charter change sa pamamagitan ng isang people's initiative (PI).
Gayunpaman, ayon kay Duterte, nabigo ang inisyatibo matapos gamitin ang programang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE), o Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers, para mangalap ng mga lagda para sa Charter change, na humantong umano sa panawagan ng publiko laban sa hakbang na ito.
Humingi na ang GMA News Online ng komento mula kay Romualdez tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi pa siya sumasagot hanggang sa oras ng pag-post.
Sinabi ni Duterte na noong Nobyembre 2023, humingi siya ng tulong kay Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, upang talakayin ang isyu sa kaniya bago ito umalis para sa Asia-Pacific Economic Conference (APEC) Summit.
Sinabi niya na nagkaroon siya ng pagkakataong direktang tanungin si Marcos tungkol sa isyu.
"Kinompronta ko nang diretso si BBM sabi ko sa kaniya, 'Bakit mayroong pagpaplano ng impeachment sa House of Representatives sa akin? Alam niyo si BBM English 'yan eh, 'Oh that's not true. There's nothing like that,'" anang Bise Presidente.
"Natigil 'yung denial niya kasi sa sobrang daldal niya, lumabas sa bibig niya na ang prioridad daw is Charter change," pagpapatuloy ni Duterte.
Ayon kay Duterte, narinig ni Senadora Marcos ang kanilang pag-uusap at kinuwestiyon ang kaniyang kapatid tungkol sa pagbabago ng Saligang Batas, kung saan sumagot si Marcos na ito ay para sa "economic provisions."
Dagdag ni Duterte na may mga talakayan para alisin ang OVP at pahabain ang mga termino ng mga miyembro ng Kamara.
"Doon 'yon, na-confirm ko na alam ni BBM 'yung ginagawa, bilihan ng signature sa people's initiative doon sa discussion namin kasama si Sen. Imee Marcos. November 2023 'yun," sabi niya.
'I'll take care of you'
Sinabi ni Duterte na bago umalis si Marcos para sa APEC Summit, sinabihan siya ng Pangulo ito na mismo ang hahawak sa mga bagay-bagay.
"Noong lumapit siya sa akin, nasa hagdanan na siya, sinabi niya sa akin, 'Don't worry I'll take care of you.' So nagulat ako. Na parang, nagsinungaling ka kagabi na hindi mo alam ang impeachment. Kasi bakit ka naman magsasabi ng 'I'll take care of you?'"
"Ang tagal namin nagsama sa kampanya, halos mamatay-matay na kami sa init, sa dehydration, sa pagod, hindi naman nagsabi yan ng 'I'll take care of you?' Tapos bigla meron akong kinumpronta sa iyo na usapang impeachment sa House of Representatives, ibubulong mo sa akin bago ka umalis, 'I'll take care of you'? Why do you need to take care of me? You know something, 'di ba?”
Tinanong ni Duterte kung kasama ba si Marcos, katuwang si Romualdez, sa pagpaplano ng impeachment laban sa kaniya.
"Kasama siya doon, kasi bakit mo naman i-deny tapos sasabihin mo I'll take care of you? Hindi niya siguro naisip na mahuhuli ang pagsisinungaling niya by his words the next day," sabi niya.
'Hindi napapanahon'
Inilahad ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi ito ang tamang panahon sa politika sa gitna ng tensyon sa Middle East.
"Hindi po napapanahon ngayon ang pamumulitika at pag-angat sa sarili. Abala po ang Pangulo ngayon para marinig ang boses ng Pilipinas na sumisigaw para sa kapayapaan at seguridad ng bawat isa lalo na ng mga kababayan natin. Abala rin po ang Pangulo natin na maibsan ang epekto sa ating bayan at taumbayan ng nangyayari sa Middle East. Ang tapang ng isang leader ay makikita sa tunay na malasakit hindi sa salita kundi sa pagganap sa tungkulin para sa bayan at para sa bansa."
Nito ring linggong na ito, natuklasan ng House Committee on Justice na “sufficient in substance” ang dalawang reklamo ng impeachment laban kay Duterte.
Ang mga reklamo ng impeachment ay isinampa nina Fr. Bong Saballa, bukod sa iba pa, at ng abogadong si Nathaniel Cabrera.
Ang mga reklamo nina Saballa at Cabrera ay parehong nakakuha ng 54 na botong "yes", isang botong "no", at walang abstention. Si Quezon City Rep. Bong Suntay ang nagtala ng botong “no.”
Ang mga reklamo ng impeachment ay pangunahing inaakusahan si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, bukod sa iba pa, dahil sa umano'y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential fund, at pagbabanta na papatayin si Marcos at ang kaniyang pamilya. — VBL GMA Integrated News

