Patay ang isang babae na apat na buwang buntis matapos siyang saksakin ng isang lalaki na pumasok sa kaniyang bahay sa Badoc, Ilococs Norte.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na natutulog ang biktima sa bahay nito sa Barangay Pagsanahan Norte, kasama ang anak na lalaki nang pumasok ang salarin at saksakin ang ginang.

Naisugod pa ng mga kaanak ang biktima sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

Naaresto naman sa hot pursuit operation ang salarin at sinabi umano sa mga awtoridad na hindi niya alam ang kaniyang ginawa dahil sa kalasingan.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News, sinabing may kondisyon umano sa pag-iisip ang suspek at dati nang nakulong.

Mahaharap ang suspek sa kasong murder. – FRJ GMA Integrated News