Isang ginang ang nasawi matapos pagsasaksakin ng sarili niyang mister sa loob ng isang eskuwelahan sa Alabel, Sarangani.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, ikinuwento ng kanilang 15-anyos na anak na lalaki na kasama niya ang ina na caretaker sa paaralan para kumuha sana ng sinampay.

Hanggang sa bigla na lang umanong naroon ang kaniyang ama na may hawak na kutsilyo.

Una munang sinuntok ng ama ang kaniyang ina, at doon na siya tumakbo at humingi ng saklolo.

Pagbalik ng binatilyo sa lugar, nadatnan niyang wala na ang ama at patay na ang kaniyang ina.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang may alitan ang mag-asawa matapos magsumbong ang ginang sa mga awtoridad tungkol sa pambubugbog sa kaniya ng mister.

Ayon sa kanilang anak, selos ang ugat ng pambubugbog sa kaniyang ina.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.

Sinabi naman ng pamunuan ng paaralan kung saan caretaker ang biktima na hindi nila napansin na nakapasok doon ang suspek.

Hinigpitan na nila ang seguridad matapos ang insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News