Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa lahat ng mga pampublikong sasakyan, maliban sa mga regular taxi at motorcycle taxi. Sa gitna ito ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng kaguluhan sa Middle East.
Magiging epektibo ang pagtaas ng pamasahe sa Huwebes, Marso 19, 2026.
Sa isang punong balitaan nitong Martes, sinabi ni LTFRB chairman Assistant Secretary Vigor Mendoza II, na isang "balancing act" ang pagtaas ng pamasahe na nagbibigay halaga sa pagpapanatili ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, partikular ang diesel na karaniwang gamit ng mga tsuper.
“This decision that covers all modes of land public transportation is proof of the national government’s genuine concern on the welfare of those in the transport sector too while protecting the interest of the general commuting public,” sabi ni Mendoza.
“And this is timely because the transport sector is currently facing a serious challenge on the prices of petroleum products as a result of the Middle East tensions,” dagdag pa niya.
Sinabi niyang maaari nang ipatupad ng mga operator ang pansamantalang pagtaas ng pamasahe sa Huwebes, na magiging permanente kapag nakakuha na sila ng fare matrix bago ang Hunyo.
Ang mga naaprubahang pagbabago sa singil ang mga sumusunod:
- Tradisyonal na PUJ - P1 pagtaas sa base fare para sa unang apat na kilometro, na magiging P14 mula sa P13, kasama ang 20 sentimong pagtaas sa bawat susunod na kilometro sa singil na P2 mula sa singil na P1.80 bawat kilometro.
- Modern PUJ - P2 pagtaas sa minimum na base fare sa P17 mula sa P15, kasama ang 20 sentimo na pagtaas para sa mga susunod na kilometro sa P2.40 mula sa dating P2.20 bawat kilometro
- Metro/City bus (ordinary) - P2 pagtaas para sa unang limang kilometro sa base fare na P15 mula sa P13; kasama ang 24 sentimong pagtaas sa singil sa bawat susunod na kilometro sa P2.49 mula sa P2.25.
- Metro/City bus (aircon) - P3 pagtaas sa base fare sa P18 mula P15; dagdag na 33 sentimo sa bawat susunod na kilometrong singil sa P2.98 mula P2.65.
- Provincial bus (ordinary) - P1 na pagtaas sa minimum na pamasahe sa P12 mula P11; dagdag na 30 sentimo sa singil kada kilometro na P2.20 mula P1.90
- Provincial bus (aircon) - 35 sentimong pagtaas sa singil kada kilometro sa P2.45 mula P2.10
- Provincial bus (deluxe) - 35 sentimo na singil kada kilometro sa P2.60 mula P2.25
- Provincial bus (super deluxe) - 35 sentimong singil kada kilometro sa P2.70 mula P2.35
- Provincial bus (luxury) - 45 sentimong singil kada kilometro sa P3.35 mula P2.90
- Airport taxi - P40 sa flagdown rate sa P115 mula P75
- TNVS - (Sedan) - P20 sa pagtaas sa base fare sa P65 mula P45
- TNVS (AUV/SUV) - P20 singil sa base fare sa P55 mula P35
- TNVS (Premium) - P20 na pagtaas sa base fare sa P165 mula sa P145
- P2P - 15% na pagtaas batay sa kasalukuyang pamasahe sa kasalukuyang pamasahe sa ruta
LOOK: Summary of fare adjustments across public transpo modes, effective March 19, 2026. pic.twitter.com/Mm3hIOl6dq
— Ted Cordero (@Ted_Cordero) March 17, 2026
Sinabi ng pinuno ng LTFRB na mabusising pinag-usapan at sinuportahan ng datos at pagsusuri, kabilang ang mula sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), ang inaprubahang pagtaas ng pamasahe.
Idinagdag pa na isinaalang-alang ng public land transport regulator ang mga position paper ng iba't ibang stakeholder, ang serye ng mga konsultasyon sa publiko, at pagsusuri ng gastos sa pampublikong transportasyon magmula noong huling pagtaas ng pamasahe para sa mga pampasaherong bus noong Setyembre 2022.
Kabilang sa mga pangunahing konsiderasyon ang pagtaas ng maintenance at iba pang gastos sa operasyon mula 7.54% noong huling pagtaas ng pamasahe sa bus noong 2022 sa 54.29% noong 2024.
Sinabi pa ni Mendoza na ang iba pang mga kadahilanan ang tensyong geopolitikal gaya ng digmaan sa Ukraine at ang kaguluhan sa Middle East, pati na rin ang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa simula noong huling pagtaas ng pamasahe noong 2022.
“These compelling circumstances prompted the Board to allow a reasonable rate of increase,” saad sa desisyon ng LTFRB.
Bukod dito, sinabi ni Mendoza na sumasalamin ang desisyon ng LTFRB sa 15% na pagtaas sa pamasahe kumpara sa 19% na pagtaas ng sahod, at nagbanggit pa siya ng halimbawa kung paano magkakaroon ng positibong epekto ang pagtaas ng pamasahe sa mga operator ng bus.
Inilatag din ng LTFRB ang mga kondisyon para sa pagpapatupad ng pagtaas ng pamasahe, kabilang ang pagbibigay ng 20% diskuwento sa mga senior citizen at PWDS, at para sa mga estudyante araw-araw sa mga araw ng pasukan.
“Notwithstanding the fuel subsidy distribution, the Board is more than mindful of the extraordinary increases in fuel prices currently experienced by PUV operators,” saad sa desisyon ng LTFRB.
Sinabi ni Mendoza na naghain na rin ng kani-kanilang petisyon para sa pagtaas ng pamasahe ang mga motorcycle taxi at regular na taxi.-- Joseph Morong/Ted Cordero/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

