Pansamantalang tinanggal sa puwesto ang hepe ng Tagbilaran police station, at apat pang pulis habang iniimbestigahan ang hinihinalang insidente ng pagdukot sa isang lalaki na nag-viral sa social media.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita ang ilang lalaki na pilit na isinasakay sa isang kotse ang isa pang lalaki na nangyari malapit sa bus terminal noong nakaraang linggo.

May araw nang mangyari ang insidente at may mga taong nakasaksi pero walang nagtangkang makialam.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente at susuriin ang mga CCTV footage sa lugar upang alamin ang tunay na nangyari.

Nakikipag-ugnayan din ang mga pulis sa Land Transportation Office upang malaman kung lehitimo ang plate number na nakalagay sa kotse na pinagsakyan sa lalaking umano’y dinukot.

Nag-alok na ang lokal na pamahalaan ng Tagbilaran City ng P50,000 na pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy at maaresto ang mga suspek na may takip sa mga mukha nang mangyari ang insidente.

"Until now, there was no blotter report or missing person report related to that incident. That's why when I posted it, I did not say it's kidnapping because nobody reported somebody got kidnapped. It is also irresponsible for me to say it, especially since I'm the mayor of Tagbilaran. What I said in my public post is that the video is now being investigated by the regional PNP,” ayon kay Tagbilaran Mayor Jane Yap. — FRJ GMA Integrated News