Nakamatayan ng isang tricycle driver ang pinansiyal na ayuda ng gobyerno na hindi niya nakuha dahil nakaratay siya sa ospital. Hindi rin umano pinayagan na ang anak niya ang kukuha ng pera sa pamamagitan ng authorization letter.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing 30 taon nang tricycle driver si Jimmy Gariga, at bahagi ng Batasan Tricycle Operators and Drivers Association sa Quezon City.
Kasama siya sa mga nakalistang kuwalipikadong tumanggap ng ayuda sa harap ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Marso 2 pa umano labas-pasok na sa ospital si Jimmy, kaya ang anak nito na si Shikinah ang pumila noong Martes para makakuha ng ayuda.
“Yung time po na yun sabi ko, ‘Pa, may ayuda ka.’ Sabi ko, ‘kaya mo? Kaya mo mag-sign?’ Nag-sign. Nag-sign po siya for authorization. Kahit hindi niya po kaya, hindi niya magalaw, pinilit niya po,” sabi ni Shikinah.
Bukod sa authorization letter, mayroon din umano siyang medical certificate ng ama.
“Nagtututuro na po kung sino po puwede kakausap sa akin. Dahil nga po, si Papa ang nasa masterlist pero ako po yung mag-sign. Bawal daw po yun… Okay lang naman po kahit hindi nakuha ni Papa yung payout. Pero sana po sa susunod, maging case-to-case basis,” ayon kay Shikinah.
Nitong Huwebes, binawian ng buhay ang kaniyang ama.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), pag-aaral pa nila kung papaano mapapahusay ang pamamahagi ng ayuda. Gayunman, iginiit nila na hindi sila awtorisado na magbigay ng ayuda sa kinatawan ng benepisaryo.
“Kawawa rin naman yung tao namin. Dahil in that sense na pag nagkamali siya, may tinanggap siyang authorization because pinakita to pero in the end nag-claim yung tao, ang mananagot sa liability na yun yung paymaster… Hindi naman hindi ibibigay sa kaniya. Mag-i-schedule kami ng multiple special payouts,” sabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Bumisita na umano ang DSWD sa burol ni Gariga at nagkaloob ng burial assistance. Napagkalooban din umano ng medical assistance ang tricycle driver noong naospital ito.
Samantala, ilang tricycle driver ang hindi nakatanggap ng ayuda dahil umano sa mga problema sa listahan ng Quezon City Hall.
“So magkakaroon, magsa-submit ulit kami ng listahan sa DSWD. So inaayos na namin to. Yung mga listahan mag-open uli. Kukunin uli namin sa mga presidente ng TODA kung sino pa sa mga miyembro nila ang hindi pa nakakatanggap,” ayon kay QC-Social Services Development Department OIC Ma. Lorelei Salvador.
Sinimulan ang pagkakaloob ng P5,000 ayuda sa mga tricycle driver sa Metro Manila nitong Martes. Isusunod naman ang iba pang driver ng mga pambublikong sasakyan.—FRJ GMA Integrated News
