Nagluto at pinagsaluhan ng mga residente ng Candon City sa Ilocos Sur sa isang dambuhalang kalamay na may lapad na 10 metro bilang bahagi ng kapistahan ng lungsod.

Ayon sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” noong Biyernes, ang higanteng kalamay na inilalarawan bilang “pinakamalaking kalamay, ” ang naging pangunahing tampok sa Tobacco Festival ng lungsod, kasabay ng ika-25 silver anniversary nito.

Sinabi ni Leoncio Balbin Jr., Candon City Information Officer, na nasa 100 residente ang nagtulong-tulong para mailuto ang giant dessert.

“The total is 1,867 kilos lahat. Ang composition niyan is 150 gantas, 1,515 na young coconut, 450 matured coconut, 360 kilos na brown sugar. Dinagdag nila ang peanut, pandan, then ube,” paliwanag niya.

Pinagsaluhan umano ang giant kalamay na nasa 4,000 hanggang 5,000 tao, at nag-uwi pa ang iba.

Bukod sa pagiging paboritong minatamis ng mga taga-Candon, sumasalamin din ang kalamay sa mayamang kultura at matagal nang tradisyon ng komunidad.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News