Isang rider ang nasugatan matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa likod ng isang truck na nakatigil sa stoplight sa Pasig City. Ang biktima, nagalit at nagwala pa umano nang i-rescue.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente dakong 1:00 am sa C5 Lanuza Avenue sa Barangay Ugong.

Sa kuha ng CCTV camera, makikitang nakatigil ang mga sasakyan sa stoplight —pati na ang truck nang bumangga ang rider.

Ayon sa saksi, malakas ang pagbangga ng motorsiklo dahil gumalaw ang truck.

Sinabi ng truck driver galing sila sa Taytay, Rizal at papunta sa Taguig nang mangyari ang insidente.

Kinumpirma ng mga tauhan ng barangay na nakainom ang rider. Nagalit pa umano ito at nagbantang manununtok nang saklolohan siya ng mga rescuer.

Sa kabila nito, nadala sa ospital ang sugatang rider, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.—FRJ GMA Integrated News