Isang 47-anyos na lalaki ang nagpahayag ng kahandaan na humalili sa 65-nyos na si Ruben Enaje bilang “Kristo” sa kanilang tradisyon sa Barangay San Pedro Cutud, San Fernando, Pampanga, na pagpapapako sa krus tuwing Semana Santa.
Bagaman inihayag ni Enaje noong nakaraang taon na posibleng iyon na ang huling pagpapako niya sa krus dahil na rin sa kaniyang edad, muli pa rin niyang gagawin ngayong linggo ang kaniyang panata na umabot na ng mahigit 35 taon.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, inihayag naman na ang posibleng humalili kay Enaje na si Arnold Maniago, ay 25 taon na ring nagpapapako sa krus.
Sinabi ni Maniago na mas mahirap gampanan ang papel ni Enaje dahil sa pagpasan ang krus at ilalagay ang sarili sa pagdurusa.
Gayunman, handa raw siyang gawin ito dahil sa kaniyang panata.
Matagal nang tradisyon sa Cutud ang pagsasadula ng Via Crucis, ngunit nangangamba si Enaje na dahil tumatanda na ang kanilang grupo at kakaunti na lang, baka mahirapan silang hikayatin ang mas batang henerasyon na makilahok.
Karamihan din umano sa kanilang mga miyembrong kabataan ay mga babae.
Si Boy Padilla, 38 taon nang ginagampanan ang papel ni Pontius Pilate at Longinus, ang sundalong sumaksak kay Kristo at nakaranas ng paggaling.
Sinabi niya na kahit madalas siyang gumaganap bilang kontrabida, ang pakikilahok sa tradisyong ito ay paraan niya ng pagpapakita ng kaniyang debosyon.
“Isipin mo, 76 na ako, pero wala akong gamot na iniinom, wala akong maintenance. Basta ano 'yung pangako ko, hangga’t malakas ako,” sabi ni Padilla.
Ayon kay Padilla, pumayag ang kaniyang anak na humalili sa kaniya.
Inihanda na ang lokal na pamahalaan ng burol o lugar na pagdarausan ng pagpapapako sa krus, at inaasahan pa rin ang pagdagsa ng maraming bisita.
Para sa mga kalahok sa tradisyong ito tuwing Semana Santa, hindi ito simpleng pagtatanghal lamang kundi isang personal na handog ng oras, talento, at pananampalataya.
“Walang makakahadlang. Kung sa Panginoon ang pinag-uusapan, walang makakahadlang. Tuloy-tuloy pa rin po kami,” sabi ni Enaje.— Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News
