Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa isang taxi operator kaugnay ng tangka umanong i-scam ang K-pop idol na si Choi Soobin sa Cebu.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II na inatasan na ang operator na isuko ang plaka ng taxi at ang lisensya ng tsuper.
"Hindi ito ugali ng Pilipino, ugali ito ng mga walang hiya. At huwag ninyong idadahilan ang kahirapan dito dahil napakaraming kababayan natin na lumalaban ng patas at hindi nanggugulang ng kapwa," dagdag ni Mendoza.
Para kay Mendoza, isa itong mabigat na kasalanan na dumudungis sa imahe ng Pilipinas sa international community.
Nilabag umano ng taxi driver ang mga patakaran at regulasyon ng LTFRB, pati na rin ang mga alituntunin at kundisyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng operator.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng LTFRB Central Visayas (Region 7), kinasuhan ang taxi unit ng labis na paniningil at sadyang hindi paggamit ng metro.
Isinailalim ang unit sa 30-araw na suspensyon.
Sa kabila ng pag-isyu ng show cause order, sinabi ng LTFRB na bibigyan ang operator ng pagkakataong magpaliwanag sa pamamagitan ng sulat kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa nito.
Itinakda ang pagdinig sa Abril 21.
Sinabi ni Mendoza na pinag-aaralan din ng ahensiya ang mas mahihigpit na mga hakbang tulad ng awtomatikong pagsasampa ng mga kasong kriminal at pag-impound ng mga taxi unit na sangkot sa mga insidente ng labis na paniningil.
Miyembro si Soobin ng K-Pop boy band na Tomorrow x Together, o TXT. Napaulat na sumakay siya ng taxi mula sa Mactan-Cebu International Airport habang nagbabakasyon sa Pilipinas. — Jamil Santos at Joviland Rita/ VDV GMA News

