Patuloy ang pagdating sa bansa ng mga Pilipino na nais makaiwas sa kaguluhan sa Middle East.

Nitong Huwebes, iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang pagdating sa bansa ng 154 na overseas Filipino workers at 12 dependents na mula sa Kuwait.

Lumapag ang sinakyan nilang eroplano sa NAIA Terminal 3 nitong Huwebes ng hapon, Abril 9.

“Sa kanilang pagdating, agad silang sinalubong at inasikaso ng mga team mula sa #DMW, #OWWA at iba pang partner agencies upang matiyak ang maayos na proseso at agarang tulong para sa ating mga Kababayan. Kabilang sa mga naibigay na assistance ang pagkain at inumin, transportasyon, hotel accommodation para sa mga uuwi sa probinsya, at financial assistance,” ayon sa pahayag.

Ligtas ding na nakabalik sa bansa ang limang OFW na nanggaling sa Lebanon, sakay ng hiwalay na flight at dumating sa NAIA Terminal 3 noong Martes.

Sinalubong sila ng mga opisyal ng DMW upang matiyak ang kanilang kalagayan pagbalik nila sa bansa.

Pagkakalooban ng tulong ang mga umuwi upang makapagsimula muli sa pamamagitan ng mga reintegration service tulad ng libreng skills training, seed capital, psycho-social counseling at job-matching para sa local at overseas employment opportunities, ayon sa DMW.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi DMW Secretary Hans Leo Cacdac na malaking bahagi ng mga OFW na umuwi sa Pilipinas ang nais na magtrabaho muli sa ibang bansa.

"Batay doon sa entry survey... 84% of them are still hoping for overseas employment. Of that figure, mayroon around 50%, 50-50, 'yung puwede pang bumalik sa pinanggalingan," anang kalihim.

"Sila ay bibigyan ng puwang na... pagkakataon na makabalik through facilitated 'yung clearances nila pabalik dahil kasi may valid employment visas pa sila pabalik ng bansa," dagdag pa ng opisyal. —FRJ GMA Integrated News