Pumanaw habang ginagamot sa ospital ang isang babaeng nasalpok ng isang motorsiklo habang naglalakad ang biktima sa gilid ng daan sa Laoag City, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa bypass road sa bahagi ng Barangay 55c Vira noong Abril 8.

Sa video footage, makikita na naglalakad ang biktima sa gilid ng baypass road nang biglang sumulpot mula sa kaniyang likuran ang motorsiklo at nasalpok siya.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang babae at ang rider. Isang rider din ang agad na sumaklolo sa dalawa.

Ayon sa pulisya, pumanaw habang nakaratay sa ospital ang biktima noong Aprib 12 na nagtamo ng matinding sugat sa ulo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakainom umano ang rider nang mangyari ang insidente. Sinisikap pa siyang makuhanan ng pahayag.

Desidido umano ang asawa ng biktima na magsampa ng reklamo. –FRJ GMA News