Patay ang isang delivery rider matapos siyang tumilapon at mahulog mula sa isang tulay sa Pandacan, Manila nitong Linggo ng umaga. Ang insidente, nahuli-cam.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nawalan ng kontrol ang rider sa kaniyang motorsiklo at naaksidente.
Bumangga ang motorsiklo sa gutter o bangketa at nahulog mula sa tulay, at bumagsak sa pagawaan ng alak. Ayon sa pulisya, agad na nasawi ang biktima.
Ayon sa isang barangay official, pakurba ang tulay at marami na umanong naaksidente sa lugar.
Posible umanong nakaligtas ang biktima kung mayroon harang o bakod ang tulay.
Ayon sa opisyal ng barangay, may harang noon ang tulay pero ninakaw.
Napag-alaman din na may isang linggo nang walang ilaw sa tulay na mapanganib para sa mga motorista tuwing gabi.— FRJ GMA News
