Ipinakita ni Kris Aquino na suportado niya ang anak na si Bimby Aquino Yap at ang “special girl” nito.
Matapos niyang ihayag kamakailan ang tungkol sa babaeng nagugustuhan ng kaniyang anak, nagbahagi naman ang Queen of All Media sa Instagram ng larawan ng dalawa. Bagaman, tinakpan niya ang mukha ng babae gamit ang pink na heart emoji para sa privacy.
Kuha ang larawan sa 19th birthday celebration ni Bimby.
“Happy birthday, Bimb!” simpleng caption ni Kris sa post.
Nauna nang sinabi ni Kris na ang hiling niya sa kaarawan ni Bimby ay maging “first girlfriend” nito ang nasabing babae.
"And who knows, God willing, also his last—yes I'll be very blessed to have her for my daughter-in-law (in 7–9 years?)," dagdag niya.
Nagbahagi rin si Kris ng pagninilay tungkol sa mga sakripisyo ng kaniyang anak sa ginagawa nitong pag-aalaga sa kanya sa gitna ng kaniyang mga pinagdaraanang karamdaman.
"The best gift I can give him is to let him enjoy his youth and let him choose his own career path," ani Kris. "My deal with him is he just has to give his 100%."
Kasalukuyang nakikipaglaban ang 55-anyos na si Kris sa siyam na autoimmune diseases. Sa kabila nito, nananatili siyang positibo at inaasahang ilulunsad ang sarili niyang video podcast.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

