Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang vlogger, kasama niyang driver, at rehistradong may-ari ng gamit nilang sasakyan, na nakita sa viral video na pinahabol nila ang isang gas station attendant dahil sa hindi umano nila pagbabayad.

Sa pahayag na inilabas ng LTO nitong Lunes na naka-post sa kanilang Facebook account, sinabing batay sa imbestigasyon ng kanilang Intelligence and Investigation Division, nangyari umano ang insidente sa Allacapan, Cagayan, habang matindi ang sikat ng araw.

Sa video, makikita na muling pinapatakbo ang sasakyan kahit inabutan na sila ng kawani ng gas station.

Inatasan ng LTO mga sangkot na magsumite ng sinumpaang salaysay upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa mga administratibong paglabag gaya ng reckless driving, at kung bakit hindi sila dapat ideklarang improper person to operate a motor vehicle.

Kasabay nito, pansamantala nang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver, at inilagay sa alarm status ang nasabing sasakyan na gamit sa video.

Mariin ding kinondena ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang insidente at iginiit na walang puwang sa kalsada ang naturang gawain kahit pa para sa content.

“Hindi katanggap-tanggap na gawing biro o content ang isang sitwasyong malinaw na naglalagay sa kapuwa sa panganib. Lalo na sa panahong nararanasan natin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, ang ganitong uri ng asal ay hindi lamang iresponsable, kundi nagpapakita rin ng kawalan ng malasakit,” ani Lacanilao.

“Hindi ito nakakatuwa, at lalong hindi ito dapat tularan. Ang paggamit ng sasakyan ay may kaakibat na pananagutan, at pananagutan ding gamitin ito nang may paggalang sa kapwa at sa batas,” dagdag pa niya.

 

 

Kaugnay nito, sinabi ni Lacanilao sa panayam ng Super Radyo dzBB, na kahit pa sabihin na “prank” lang sa gas attendant ang naturang video, tutuluyan pa rin nila ang mga sangkot sa insidente.

“Base sa report siya yata [vlogger] ang may-ari ng gasolinahan kumbaga parang pinaglalaruan niya yung tao niya (gasoline attendant). Kahit na sabihin nating prank lang iyon pero yung pinakikita sa tao na pinahahabol mo yung tao mo sa iyo... malaking kalokohan po,” ayon sa opisyal.– FRJ GMA News