Sinampahan ng mga reklamo ang ilang opisyal at sundalo ng Philippine Army na kasama ng mga pulis sa pagsisilbi ng arrest warrant na nauwi sa pagkamatay ng tatlong tao—kabilang ang isang ama at 12-anyos niyang anak—sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang madugong insidente noong Abril 23, 2026, na ikinasugat din ng dalawang iba pa.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod, isinampa ang mga reklamo sa City Prosecutor’s Office nitong Miyerkules, April 29, 2026.
Sinabi ng Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) na kabilang sa mga isinampang reklamo laban sa mga sundalo ay multiple murder and frustrated multiple murder, criminal negligence sa Revised Penal Code, at robbery.
Hanggang 12 military officials at mga sundalo ang inireklamo, na kinabibilangan ng isang koronel, isang major, corporals, privates, at privates first class.
Ayon sa pulisya, sa isinagawang joint operation ng AFP at PNP, nagkaroon ng palitan ng putok nang isisilbi nila ang mga warrant of arrest para sa multiple murder at frustrated murder laban sa isang miyembro ng armadong grupo na umano’y minamanmanan sa lugar.
Sinabi nilang nagpakilala ang operating team bilang mga pulis at militar, ngunit may mga hindi nakilalang tao ang nagpaputok umano ng baril kaya gumanti rin sila ng putok bilang depensa.
Nang matigil ang putukan, tatlong tao ang nasawi at dalawa ang sugatan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, isang 52-anyos na miyembro ng lupong tagapamayapa ang nasawi, kasama ang kaniyang 12-anyos na anak, at isa pang 22-anyos na lalaki.
Hindi naman nadakip ang sinasabing pakay sa arrest warrant.
Matapos ang insidente, bumuo ang Police Regional Office–Zamboanga (PRO-9) ng isang special investigation task group upang magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon.
“Justice must be served and must prevail at all cost,” sabi ni Mayor Khymer Olaso. – FRJ GMA News

