Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang panibagong batch ng Financial Assistance para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng krisis sa Middle East, partikular sa Dubai at Northern Emirates.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, ibinahagi ng DMW na opisyal nang binuksan muli ang aplikasyon para sa one-time financial assistance.
Kabuuang 1,000 slots ang inilaan at agad napuno nitong Biyernes. Gayunpaman, tiniyak ng DMW na muling magbubukas ang mga bagong slot sa Martes ng 8:00 am.
“The MWO Dubai will release applications in four batches, scheduled every Tuesday and Friday over a two-week period, to ensure a more orderly and accessible process,” ayon sa DMW.
Sa mga interesado, kailangang ihanda ng mga sumusunod:
- Request for Assistance (RFA) form: bit.ly/RFA-Form (Filipino) or bit.ly/4t5Opjq (English)
- Passport bio page
- Emirates ID
- Anumang patunay ng overseas employment
- Anumang patunay ng work disruption
“Mag-apply nang isang beses lamang upang mabigyan ng pagkakataon ang kapwa OFW na makapag-apply din. Ang pagsusumite ng higit sa isang aplikasyon ay magreresulta sa awtomatikong pagka-disapprove/deny ng iyong aplikasyon,” saad sa pahayag ng MWO Dubai.
Ipapamahagi ang payout na USD $200 hanggang AED 730 sa pamamagitan ng remittance sa bansa o sa mga sangay ng Al Ansari remittance centers na matatagpuan sa buong United Arab Emirates.
Ang sinumang OFW na nakatanggap na ng tulong kaugnay ng krisis sa ME ay hindi na kuwalipikado sa mga susunod na batch.--Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA News
