Pagkatapos ni Senador Bato Dela Rosa, inihayag ng dating senador na si Antonio Trillanes IV na sunod na iisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) si Senador Bong Go.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Trillanes na nakatanggap siya ng impormasyon na may nakaamba ring arrest warrant laban kay Go bilang kasabwat umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity, murder, at attempted murder.
Subalit hindi pa tiyak kung kailan lalabas ang arrest warrant para kay Go, at maaari umanong umabot pa ito ng ilang buwan, sabi ni Trillanes.
Ayon kay Trillanes, isinumbong si Go sa ICC dahil noong kasagsagan ng extrajudicial killings, siya umano ang namamahagi ng pabuya para sa bawat pagpatay. Bukod dito, nagsisilbi umanong lider ng “Special Operations Group” si Go sa loob ng “National Death Squad” ni Duterte.
“Ito yung pagbabayad o pagiging accountable…noong namamayagpag sila, wala silang pakialam sa buhay ng Pilipino. Ito na, singilan na ito,” sabi ng dating senador.
Bukod kina Dela Rosa at Go, sinabi rin ni Trillanes na posible ring maisyuhan ng ICC warrant ang isa pang dating hepe ng Philippine National Police na si Oscar Albayalde.
Sinusubukan pang kuhanan ng pahayag ng GMA News sina Go at Albayalde kaugnay ng usapin. —FRJ GMA News
