Hindi mapigilan ng isang pamilya na maging emosyonal matapos nilang muling makapiling ang kanilang aso na dalawang araw nang nawawala, na natagpuan nilang lumalangoy sa ilog at pabalik sa kanila.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapanonood ang video ng fur mom na si Mitch Pabingwit na naiiyak matapos muling makita ang alaga nilang Aspin na si Coco na lumalangoy sa ilog.
Ayon kay Mitch, Mayo 8 noong mapansin ng kaniyang pamilya na nawawala si Coco matapos itong hanapin para pakainin ng treats.
Agad silang nagtanong-tanong sa mga kapitbahay at nag-review pa ng CCTV footage, ngunit wala silang nakitang malinaw na lead tungkol sa pinuntahan ng aso.
Makaraan ang dalawang araw, nakatanggap ang pamilya ng tip na may nakitang puting aso na palangoy-langoy sa ilog malapit sa kanilang lugar.
Ngunit gabi na noon, madilim at delikado nang bumaba sa ilog kaya hindi nila ito nasuri agad.
Kinaumagahan na pumunta ang pamilya sa ilog at paulit-ulit na tinawag ang pangalan ni Coco, ngunit walang aso na nagpakita.
Makaraan ang ilang minuto, isang aso ang lumabas mula sa masukal na parte ng ilog at lumalangoy papunta sa kanila.
Dito na tuluyang napaiyak si Mitch habang paulit-ulit na tinatawag ang kaniyang alaga.
Ayon kay Mitch, malayo pa lamang, alam na niyang si Coco ang asong lumalapit sa kanila.
Ngunti mas ikinagulat ng pamilya na marunong lumangoy ang aso, kahit hindi ito mahilig maligo. Hindi nila naitago ang pangamba dahil hindi mahilig si Coco sa tubig.
Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Mitch sa lalaking nagbigay ng impormasyon na nakatulong para matagpuan si Coco. — VBL GMA News
