Nasawi ang 36-anyos na tricycle driver habang sugatan ang anak niyang 13-anyos, nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa nakasalubong na bus sa Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Langayan sa Currimao, Ilocos Norte.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na sumabog umano ang gulong ng tricycle kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.
Napunta sila sa kabilang linya ng kalsada at doon na nakasalpukan ang paparating na bus.
Tumilapon ang driver ng tricycle at nagtamo ng matinding sugat sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkasawi. Sugatan din ang anak niya na Dinala sa ospital.
Nasugatan din ang driver ng bus matapos tamaan ng bubog mula sa nabasag na windshield ng sasakyan.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima, at maging ang driver ng bus. – FRJ GMA News
