Arestado ang isang lalaking nagpakilalang empleyado ng National Police Commission (NAPOLCOM) matapos umanong bumunot ng baril at pagbantaan ang isang transport network vehicle service driver sa Mandaluyong City nitong Biyernes.

Ayon sa biktima na kinilalang si alyas Rene, nasa northbound lane siya ng EDSA malapit sa Asian Development Bank at lilipat sana ng linya pero hindi siya napagbigyan ng suspek.

Nasagi tuloy ang sasakyan ng suspek.

“Ngayon nu'ng pagbangga po, nakita ko nagse-cellphone po siya na habang nagda-drive," kuwento ng biktima.

Agad namang dumating ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at pinagilid sila sa bahagi ng EDSA na sakop na ng Quezon City.

“Tapos pagbaba ko ng sasakyan, biglang bumunot ng baril tapos sabi po sa 'kin t...na mo tutumba kita diyan eh,” kuwento ng biktima na 42-anyos.

Sabi raw ng suspek ay taga-NAPOLCOM siya.

"Sabi ko, 'Hindi naman po giyera 'yung pinunta ko, sir. Nabangga lang po tayo," dagdag ng biktima.

Nagulat naman ang MMDA traffic enforcer nang makita ang baril ng suspek.

“Na-shock po ako tapos napaatras po ako. Natakot po talaga kasi first time pong may nangyari sa 'kin (ng ganu'n)... May baril po talagang dala, positive po talaga,” aniya.

Napatakbo raw ang biktima hanggang sa nakahingi siya ng tulong sa mga nakabantay na pulis sa lugar.

Dinala sa Mandaluyong City Police Station ang 59-anyos na suspek.

Nakuha sa kanya ang isang 9mm na baril at isang ID mula sa NAPOLCOM.

“Meron NAPOLCOM na nakasulat pero 'yung confirmation, aantayin pa namin kung talagang empleyado siya... Under verification pa rin 'yung sa firearm ng ating suspek," saad ni Police Colonel Reynan Patam, chief of police ng Mandaluyong City Police Station.

Hinihintay din ng pulisya ang resulta ng breathalyzer test para malaman kung nakainom ng alak ang suspek.

Desidido naman ang biktima na sampahan ng reklamo ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.

“Natakot po ako, na ano po ako sa pamilya ko, ser. Kung sakaling tinuluyan niya 'ko, e di kawawa po 'yung pamilya ko," sabi ng biktima na mangiyak-ngiyak na habang nasa police station nitong Sabado ng madaling araw.

"Kailangan maging kalmado lang po tayo. Huwag mainit ang ulo dahil lahat naman po ay nadadaan sa magandang usapan," sabi ni Patam.

“Mensahe ko lang po sa NAPOLCOM, dapat disiplinado po 'yung mga NAPOLCOM po para hindi naman ganyan na porket meron baril bubunutan agad, ser," saad ng biktima.

Naglabas naman ng pahayag ang NAPOLCOM nitong Sabado at kinondena nito ang pangyayari.

"I strongly condemn the actions of a NAPOLCOM employee identified as Police Inspector III Jaime Hermogenes Jularbal Flores, Jr., assigned at the Inspection, Monitoring and Investigation Service, who was apprehended following a reported incident involving the alleged brandishing of a firearm and threats against a TNVS driver in Mandaluyong City on June 12, 2026," ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan.

Ipinag-utos na raw ni Calinisan ang agarang imbestigasyon sa insidente.

"Bilang tugon, agad kong ipinag-utos ang pagsasagawa ng kaukulang administrative investigation. Kasabay nito, buong suporta ang ibibigay ng NAPOLCOM sa anumang lehitimong imbestigasyon at kasong kriminal na maaaring isampa ng mga awtoridad," saad niya.

Humingi rin ng paumanhin si Calinisan sa biktima.

"Sa ngalan ng NAPOLCOM, humihingi ako ng paumanhin sa TNVS driver na sangkot sa insidente. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong asal mula sa isang lingkod-bayan, at hindi ito sumasalamin sa mga pagpapahalagang itinataguyod ng Komisyon," aniya.

Samantala, kinilala naman ni Calinisan ang mga pulis na rumesponde agad sa pangyayari.

"Pinupuri ko sina PCpl Aloysius Ducay Gano at Pat John Levy Monte de Guzman ng Quezon City Police District (QCPD) Station 12, ang mga pulis na agad tumugon sa insidente at nagsagawa ng kinakailangang aksyon. Ang kanilang mabilis at propesyonal na pagtugon ay patunay na may mga pulis na nananatiling tapat sa kanilang tungkulin at handang pairalin ang batas nang walang kinikilingan," sabi ni Calinisan.

"Walang puwang sa NAPOLCOM ang ganitong uri ng asal. Ang pagiging kawani ng gobyerno ay hindi lisensya upang manakot, mag-abuso, o gamitin ang posisyon para magpakita ng kapangyarihan," dagdag niya.

Siniguro naman ni Calinisan na mananagot sa batas ang suspek.

"Mensahe namin sa publiko: Hindi kukunsintihin ng NAPOLCOM ang anumang uri ng pang-aabuso. Dahil empleyado namin siya, lalo siyang dapat managot. Mas mataas ang pamantayang inaasahan sa isang lingkod-bayan. Walang palalampasin. Walang pagtatakpan. Walang sasantuhin. Mananagot ang sinumang lumabag sa batas," aniya. —KG GMA News