Arestado ang dalawang lalaki dahil sa pagnanakaw umano ng mahigit P100,000 halaga ng mga gamit sa isang bahay sa Barangay Malamig, Mandaluyong City. Ang isa sa mga suspek, sinabing pinsan umano ng biktima ang nag-utos dahil sa onsehan sa trabaho.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nadakip ang mga suspek madaling araw ng Miyerkoles matapos palibutan ng mga operatiba ng Mandaluyong Police.

Sinabi ng pulisya na pinasok ng mga suspek ang bahay habang natutulog ang mga biktima sa ikalawang palapag.

“Pinasok ng dalawang kalalakihan na nakasuot ng helmet ang bahay ng ating mga biktima. May nakuhang dalawang cellphone at isang laptop kasama 'yung wallet na nagko-contain ng cards ng ating biktima. Umaabot ng P140,000 ang estimated cost na nakuha sa ating mga biktima,” sabi ni Police Colonel Reynan Patam, chief ng Mandaluyong Police.

Matapos matuklasan ng mga biktima na ninakawan sila, saka sila nagsumbong sa barangay.

Sa follow-up operasyon ng pulisya, natunton sa pamamagitan ng Global Positioning System o GPS ang kinaroroonan ng isa sa mga ninakaw na cellphone, na nasa isang hotel sa Pasay City.

Nakumpirma ito matapos suriin ang CCTV ng hotel, at base na rin sa pahayag ng ilang staff sa pulisya.

“Nu’ng nag-check out na 'yung aming persons of interest nilapitan ng ating kapulisan para tanungin at kuwestiyunin kung ano 'yung mga dala-dala nila. Fortunately, umamin 'yung ating mga suspek na sila nga 'yung nagnakaw ng mga gamit,” sabi ni Patam.

Narekober ang mga ninakaw na laptop, dalawang cellphone at wallet ng dalawang biktima.

Tumangging humarap sa camera ang 29-anyos na suspek.

Sinabi naman ng 21-anyos na si alyas “Lon” na nagipit lamang sila kaya napilitang tanggapin ang alok na pagnanakaw kapalit ng perang makukuha mula sa pagbebentahan sana ng mga ninakaw.

Ayon pa sa kaniya, pinsan umano ng biktima ang nag-utos na nakawan sila.

“Dala lang po ng kahirapan tsaka inutusan lang din po talaga kami. Onsehan po ata dahil sa trabaho nila kasi mga scam din po ‘yun. Pera lang po talaga 'yung pakay namin,” sabi ng suspek.

Nang tanungin kung babayaran sila sa kanilang pagnanakaw, “Opo, 50-50 po.”

Nakadetene na ang mga suspek sa custodial facility ng Mandaluyong Police, at sasampahan ng reklamong robbery. —Jamil Santos/VBL GMA News