Binaril at pinaslang sa kalsada ang isang babae ng nakatakas na salarin sa Caloocan City.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinatnan ng mga awtoridad na wala nang buhay ang biktima sa Barangay 188, Tala pasado 6 p.m. ng Miyerkoles.
Sinabi ng ilang saksi na nagulat na lang sila nang makarinig ng hindi bababa sa dalawang putok ng baril.
“Noong napalingon ako sa huling putok, doon ko na lang nakita ‘yung gunman na lumapit doon sa babae. Nakahilata na po ‘yung babae sa gitna ng kalsada. Pinutukan po ng baril, talagang tinuluyan po,” sabi ng isang lalaking saksi.
“Naka-jacket na itim, nakasumbrero na itim. Nag-iisa lang siya,” pagpapatuloy ng saksi.
“Noong nakahandusay ‘yung nabaril marami rin ang mga ‘usi’, mga usisera, mga gano'n. Kaya nagtaffic-traffic na nga po eh,” sabi ng isa pang saki.
Pansamantalang tumangging magbigay ng pahayag ang pulisya samantalang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy ding inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima.
Nagsasagawa na rin ang pulisya ng CCTV backtracking para matugis ang gunman na tumakas sakay ng motorsiklo.—Jamil Santos/FRJ GMA News
