Dalawang bangkay-- isang babae at isang lalaki—ang natagpuan sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa isang gas station sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa bahagi ng Barangay San Francisco, Victoria, nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, inihayag ng isang source na dumaan ang naturang sasakyan sa isang coffee shop drive-thru dakong 2:00 am noong Miyerkoles at pumarada sa parking area.
Naghinala umano ang mga kawani sa shop nang makita ang sasakyan sa lugar noong buong araw. Wala rin umanong sumagot mula sa loob ng sasakyan nang katukin ito.
Dahil dito, nagpasya na silang tumawag ng mga awtoridad dakong 4:00 p.m.
Ayon kay Police Captain Ruby Alcantara, Tarlac Police public information officer, nakita ang mga bangkay sa backseat ng sasakyan.
Sa paunang pagsusuri sa mga bangkay, wala silang tinamong saksak o tama ng bala ng baril.
Hinihintay pa ang resulta ng forensic examination sa mga labi ng dalawa, ayon kay Alcantara.
Inihayag din ng pulisya na nakilala na ng kani-kanilang pamilya ang bangkay ng dalawa.
Ayon pa kay Alcantara, hinahanap din ng mga kamag-anak ang dalawa.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News, siabing nakiusap umano ng privacy ang pamilya ng dalawa habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon. – FRJ GMA News
