NAGA CITY - Muling binisita ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang probinsiya ng Camarines Sur, partikular ang Naga City, nitong Sabado.

Kasama ni Dizon sina Naga City Mayor Leni Robredo, ang DPWH regional director at mga district engineer ng Camarines Sur.

Unang pinag-usapan ng mga opisyal ay ang pagpapalawak at pagpapaganda ng mga pangunahing lansangan sa sentro ng Naga City na mapapakinabangan ng mga residente at estudyante sa lugar.

Ayon kay Dizon, suportado ng Malacañang ang vision ni Robredo. Nais raw ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na matapos ang lahat ng proyekto na nabinbin sa lugar.

Binisita rin nina Dizon ang ginagawang Naga Bypass Road na kapag natapos ay magde-decongest sa sentro ng Naga City.

Hindi na kasi dito dadaan ang malalaking truck at bus patungong Albay, Masbate at Catanduanes.

Matagal rin na natengga ang nasabing proyekto dahil sa bagal ng pag-release ng pondo.

Nangako sina Dizon at ang DPWH Bicol regional director na tatapusin na ang proyekto sa 1st quarter ng 2027.

Kasabay na matatapos ang malaking canal sa gilid ng Bypass Road.

Nabanggit rin ni Dizon na tuluy-tuloy ang pagsasaayos at pagpapaganda ng Naga Airport. —KG GMA News