Isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakabase sa Canada ang nagbahagi ng kaniyang karanasan sa isang uri ng hayop na wala sa Pilipinas at naglalabas ng masamang amoy kapag nakadama ng panganib—ang skunk.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News 24 Oras noong Miyerkules, napahinto si Keane Tan nang makita niya ang dalawang skunk sa labas ng kaniyang apartment habang pauwi.
"Minamalas nga naman talaga oh. Dami daming makakasalubong, ito pa," saad ni Keane sa kaniyang video.
Isa sa mga ito ang balak pang lumapit sa kaniya kaya binalak niyang itaboy pero hindi niya ginawa.
"Dito kasi sa Canada, parang common knowledge na 'pag may nakita kang skunk, stay away, 'wag bugawin, 'wag gulatin," kuwento pa niya. "Hintayin mo lang silang umalis kasi 'pag umutot sila, 'yun nga, deadly 'yung utot nila."
Kaya naman wala na siyang nagawa kung hindi ang maghintay na umalis na kusa ang mga hayop.
Ayon kay Kuya Kim, ang mga skunk ay nocturnal at crepuscular, o aktibo sa gabi, dapit-hapon, o madaling-araw.
"During the day, natutulog lang sila sa kanilang mga den. Ang mga skunks ay gising sa gabi para maiwasan nila ang mga malalaking predators such as eagles and wolves," sabi ni Isaiah Gray Fernandez, isang wildlife biologist.
Madalas mapagkamalang pusa o kahawig ng pusa, ang mga skunk ay kabilang sa pamilyang Mephitidae, mga mammal na kilala sa kanilang napakaunlad na scent glands na kayang magbuga ng mabahong likido bilang depensa laban sa mga kaaway.
Ayon kay Fernandez, itinataas muna ng skunk ang buntot nito bilang babala. Kapag hindi pa rin umalis ang banta, saka nito ibinubuga ang mabahong likido. Kaya nilang tamaan ang target na hanggang 12 talampakan ang layo at maaari pa nilang ipatama sa mata ng kalaban.
Nagmumula ang masangsang na amoy nila sa mga sulfur compound na tinatawag na thiols. Inihahambing ang amoy nito sa bulok na itlog, sirang bawang at sibuyas, at sunog na goma.
"Mahirap tanggalin ang thiols dahil ang mga molecules nito ay madaling kumapit sa balat, damit, at buhok," ani Fernandez. "Hindi rin sila basta basta nahuhugasan kasi hindi sila water-soluble o natutunaw sa tubig just like mantika."
Sa Pilipinas, may lokal ding hayop na gumagamit ng mabahong amoy bilang depensa—ang pantot o Palawan stink badger.
Matatagpuan lamang ito sa Palawan at kilala sa paglalabas ng napakabahong amoy upang mapaalis ang mga hayop na maaaring umatake o manghuli rito. Ginagamit din nila ang amoy na ito upang markahan ang kanilang teritoryo.
Mayroon itong mahahabang kuko na ginagamit sa paghuhukay ng lupa, paghahanap ng mga freshwater crab na kinakain nito, at paghahanap ng maliliit na insekto.—Nika Roque/FRJ GMA News
