Isang Grade 9 student ang sugatan matapos saksakin ng Grade 10 student sa San Carlos, Negros Occidental. Ang suspek at biktima, parehong 17-anyos.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing nagtamo ang saksak sa sikmura ang biktima at isinugod sa ospital.
Nangyari ang insidente sa labas ng eskuwelahan noong June 23, 2026.
Ayon sa pulisya, naipaalam pa ng biktima sa kaniyang guro na nakatanggap siya ng pagbabanta.
Pinayuhan umano ng guro ang biktima na huwag nang lumabas ng paaralan, ngunit umalis pa rin siya ng campus matapos ang klase at doon na nangyari ang insidente.
Sinabi ng pulisya, kasama ng biktima ang kaniyang mga kaibigan nang mangyari ang insidente. Ngunit ang biktima lamang ang inatake ng suspek, na naaresto rin ng mga awtoridad.
“Ang victim, involved siya sa grupo-grupong away. May sinabi siya na ang kanilang kaaway ng grupo is nandyan raw sa mall. On his way there, nasaksak siya ng suspek, which is also a minor,” ayon kay Police Lt. Col. Joem Malong, spokesperson ng Police Regional Office sa Negros Island Region.
Ayon naman kay Police Capt. Rodney Sarona, Deputy Chief ng San Carlos City Police Station, sinabi ng suspek sa mga awtoridad na ang biktima umano ang unang nanuntok sa kaniya at gumanti lamang siya.
“Bale ang biktimang ito, hinabol raw niya ang suspek. May nangyari raw na suntukan, gumanti ito sa suspek,” sabi ni Sarona.
Paiigtingin umano ng pulisya ang seguridad sa loob at labas ng eskuwelahan.
“Iyan ang isang concern, especially sunod-sunod na sya. Nakita natin ng may something sa mga kabataan. We have to review,” ani Malong.
Sinabi ng Department of Education (DepEd) sa Negros Island Region na nagpatawag na sila ng pagpupulong kasama ang mga magulang ng biktima at ng suspek.
Nangyari ang insidente sa San Carlos City kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026, na tatlong estudyante ang nasawi at ilan pa ang nasugatan.
Kapwa menor de edad ang dalawang suspek sa nasabing pamamaril, na may edad na 14 at 15 taong gulang, at nakakuha umano ng mga baril. – FRJ GMA News
