Nasa limang silid-aralan sa isang eskuwelahan sa Tukuran, Zamboanga del Sur ang sinalaula, at ilang menor de edad na hindi nag-aaral ang may pakana.

Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing sinabuyan ng pulang pintura ang mga dingding, kisame, at mga saksakan ng kuryente ng isang silid-aralan sa Tukuran SPED Center sa Barangay San Carlos.

Nagkalat din ang mga gamit sa loob ng silid. Apat pang silid-aralan ang natagpuang nasa kaparehong sitwasyon.

Nakita ng mga guro ang naturang sitwasyon ng mga silid-aralan noong umaga ng Miyerkoles, June 24, 2026.

Ayon kay Tukuran SPED Center Principal Dr. Ma. Teresa Suarin, posibleng nagwala ang mga suspek, na mga out-of-school youth nang wala silang makitang gamit na mahalaga sa loob ng mga silid-aralan.

Nasa lima kabataan umano ang posibleng salarin na nasa edad 10 hanggang 15.

Batay sa mga ulat, ilang beses nang pinasok at hinalughog ng mga suspek ang paaralan. Sinasabing binabantayan lamang nila ang barangay tanod na nag-iisang nagbabantay sa paaralan bago sila pumasok.

Iniulat din na may kaugnayan ang mga menor de edad sa isa pang grupo na umano’y sangkot din sa mga pagnanakaw at pagpasok sa mga paaralan sa bayan.

Dahil sa insidente, nagsagawa ng pulong ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd), lokal na pamahalaan ng barangay, at iba pang awtoridad upang palakasin ang seguridad sa paaralan at matiyak ang angkop na interbensyon para sa mga menor de edad na sangkot. – FRJ GMA News