Perwisyo ang dulot ng ilang isdang pang-aquarium tulad ng Flowerhorn sa isang lawa sa San Pablo, Laguna, dahil bukod sa inaagaw nila ang teritoryo ng mga native na isda, puwede pa silang magdala ng parasite na nagdudulot ng mga sakit.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing iilang Tilapia at Ayungin pa lang ang nahuli ni Totoy Aguason isang tanghali sa Sampaloc Lake, na pinakamalaki sa pitong lawa ng San Pablo City.
May mga nahuhuli rin siyang mga isdang hindi likas na nakatira sa lawa.
“Salot dito. Nangangain po ng mga isda na mga Tilapia, kinakain. Pinamimigay na lang namin. Kung sino ang may gusto, iuulam din nila, nakakain naman po,” sabi ni Aguason.
“Kung manghuli ka ng isda, nakakahuli rin naman po, kaso kakaunti na lang gawa nga ng Flowerhorn at Jaguar,” sabi ni Nelgin Dela Cruz, dating floating cage owner.
Dagdag pa ng mga mangingisda, dumami ang mga naturang isda sa nakalipas na 10 taon.
Batay sa pagsasaliksik ng Ateneo de Manila University - Department of Biology at Ateneo Aquatic and Fisheries Resources Laboratory, nagdudulot ng matinding pressure sa native biodiversity at banta sa kalusugan ng publiko ang paglipana ng Flowerhorn sa lawa.
Agresibo ang Flowerhorn at may posibilidad na sakupin ang breeding grounds at feeding sites ng ibang isda.
Kaya naman ang Ayungin na dating sagana sa lawa, kaunti na lamang at inilista bilang “vulnerable.”
Tingin ng mga eksperto, nakawala mula sa breeding facilities ang Flowerhorn matapos ang bagyo noong 2016.
Sinabi naman ng City Agriculture Office ng San Pablo na batay sa kanilang pag-aaral, hindi Flowerhorn kundi Midas Cichlid ang mga ito, na isang uri rin ng tilapia.
Posibleng pinagmulan ng mga ito ang pagpapakawala ng hobbyist o fingerlings dispersal program ng gobyerno at non-government organizations.
Kaya naman hinihikayat ang panghuhuli sa mga ito, na tinatawag ding “Golden Tilapia.”
“We've started na gawin siyang food products through drying. So maganda naman 'yung result kasi from P25 na binebenta nila 'yung fresh, pag-dry namin siya, binibenta namin ng P400 a kilo itong mismo Midas,” sabi ni Erlene Delgado, Supervising Admin Officer ng Office of the City Agriculture.
Salungat naman ang rekomendasyon ng mga researcher.
Ayon sa kanila, carrier ang mga isdang ito ng isang uri ng parasite na maaaring magdulot ng matinding sakit sa tao.
“I think further study should be conducted. Lalo na 'yung claim nila na pwedeng there would be a correlation between human risk ‘pag kumain ka ng Midas,” depensa ni Delgado.
“Ayon sa mga eksperto. Hindi ito Flowerhorn, kundi Midas Cichlids. Family siya ng Flowerhorn. Invasive siya… 'Yung mga communities dyan, ginagawa nilang daing. Safe naman siya for consumption, provided na na-retrieve siya nang fresh, niluto nang maayos, nilinis bago lutuin,” sabi naman ni Nazario Briguera, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. — Jamil Santos/VBL GMA News
