Inihayag ni Senator Alan Peter Cayetano na tinanggihan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang panukalang ipamahagi ang P10,000 na ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo na bumabangon mula sa pandemya matapos siyang manalo sa pagkapangulo noong Eleksyon 2022.

"So noong 2021, going into 2022, sabi ko marami pang hindi nakaka-recover, so kaya ng ating budget magbigay. Pero pagkapanalo ni President Marcos, ayaw niya," sabi ni Cayetano sa isang Facebook livestream nitong Biyernes, Hulyo 17, 2026.

"Pero every single year po tinatanong ko 'yun sa aming Chairman of Finance, 200 to 300, minsan 400 billion ang ayuda. So kaya. Kaya pong bigyan ng 10K," dagdag niya.

Nag-post si Cayetano ng kaniyang video matapos ianunsyo ni Marcos nitong Huwebes na pinalawak ng gobyerno ang programang United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan.

“Pero the past two days, sobra po 'yung mga — ganda ng amounts na ina-announce. So sabi sa akin, 'Sir, may 12k pa, so kaya pala 'yung 10k.' Bakit ngayon lang 2026? Alam na 'yung sagot. O ano 'yung sagot? Eh nanakawin muna 'yung daan-daang bilyon bago kayo bigyan, 'di ba?" sabi ni Cayetano.

Sa isang pahayag, iginiit ng Malacañang na walang batayan ang mga alegasyon ni Cayetano.

"Bakit hindi kaya makapagpigil sa sarili si Senator Alan Cayetano sa paggawa ng intriga at mga kwentong walang basehan? Imbis na ituro ang sarili sa kanyang kapabayaan sa pagtatrabaho, magtuturo siya ng iba masagip lang ang sarili sa kahihiyan," sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.

Ayon kay Castro, ilalahad nila ang mga ebidensya upang pabulaanan ang umano’y maling mga pahayag ng senador.

"Ang trabaho niya na di niya magampanan ay ipapasa sa iba. Ebidensya ang ibibigay namin panlaban sa mga kasinungalingan ni Senator Alan."

Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magsisimula sa Lunes ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa pinalawak na programang UPLIFT.

Mga kategorya ng benepisyaryo

Binubuo ang Group 1 beneficiaries ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ng Walang Gutom Program, na makatatanggap ng one-time additional assistance ng hanggang P2,000. Binubuo sila ng 3.5 milyong kabahayan.

Binubuo naman ang Group 2 beneficiaries ng mga mahihirap na kabahayan na hindi miyembro ng 4Ps, at tumutukoy sa mga 'near-poor' na kabahayan na bahagyang mas mataas o 25% na mas mataas sa poverty line. Binubuo sila ng 2.5 milyong kabahayan.

Samantala, binubuo ng Group 3 beneficiaries ang mga miyembro ng SSS na P20,000 pababa ang buwanang kredito sa suweldo. Binubuo sila ng 1.5 milyong kabahayan.

Sinabi ng DSWD na nakatakdang makatanggap ang Group 2 at 3 beneficiaries ng P2,000 sa susunod na anim na buwan, o hanggang Disyembre 2026, na may kabuuang P12,000. —VBL GMA News