Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes sa Kongreso na itaas ang taunang income tax exemption threshold upang madagdagan ang maiuuwing sahod ng mga Pilipinong kabilang sa middle class.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), hinimok ng Pangulo ang mga mambabatas na palawakin ang saklaw ng taunang income tax exemption sa hanggang P350,000 upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa suplay ng langis.
“Dagdagan natin ang mga manggagawang malilibre sa buwis sa kanilang kita. Isasama na natin ang mga kumikita nang hindi lalagpas sa P350,000 kada taon,” anang pangulo sa kaniyang talumpati.
Sinabi rin ni Marcos na hindi magbubulag-bulagan ang pamahalaan sa mga paghihirap na nararanasan ng mga manggagawang Pilipino, ng middle class, at ng mga may-ari ng micro and small business.
“Alam natin na sila rin ay nabibigatan sa epekto ng krisis… So, to ensure the continued progress of the middle class amidst the lingering effects of the crisis, we will pursue tax relief measures that promote growth, generate revenue, and advance equity toward socio-economic sustainability,” sabi ni Marcos.
“Kaya bilang natatanging proteksyon sa kanila at para mas mapakinabangan nila ang pinaghirapan nilang kita, nananawagan ako sa Kongreso upang maipasa ang batas na magbibigay ng bahagyang ginhawa para sa ating bayaring buwis,” dagdag ng pangulo.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, hindi pinapatawan ng income tax ang mga kumikita ng P250,000 o mas mababa pa rito kada taon.
Bukod dito, sinabi rin ni Marcos na dapat nang hindi patawan ng minimum corporate income tax (MCIT) ang mga maliliit na negosyo.
Sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, ang itinakdang MCIT ay 2% ng gross income ng isang korporasyon sa loob ng 12 buwan.
Iminungkahi rin ng Pangulo ang pagbibigay ng tax amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis.
“Pangatlo, para mapanatag ang loob ng taumbayan ang pagbigay ng amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis tulad ng income tax, estate, donor’s tax, at value added tax. Kasama na rin diyan ang mga multa na kaakibat ng mga ito,” patuloy ni Marcos. —FRJ GMA News
