Nababahala para sa kanilang kaligtasan ang ilang residente sa General Santos City matapos na may makita at mahuli na mga ahas—kabilang ang makamandag na cobra—sa ilang bahay sa magkakahiwalay na insidente na nangyari nitong linggo.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing pinuntahan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa General Santos City ang isang bahay sa isang subdivision sa Barangay San Isidro nitong Huwebes ng gabi dahil sa nakitang ahas.
Kalaunan, nahuling nagtatago sa patong-patong na tray ang isang makamandag na Samar cobra. Inilagay ito sa sako at ibinigay sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa kaukulang aksyon na gagawin sa ahas.
Wala pang isang oras pagkaraan nito, mayroon uling humingi ng tulong sa mga tauhan ng BFP para mahuli ang isang cobra na nakita rin sa isang bahay sa kaparehong barangay pero sa ibang purok.
Sa kasamaang-palad, hindi nahuli ang naturang cobra na sumiksik umano sa lupa.
Noong Agosto 10, isang agresibong sawa naman ang nahuli ng mga tauhan ng BFP na nasa gilid ng pader ng isang bahay.
Itinuturing ng CENRO-General Santos, na nakababahala ang mga insidente.
Ayon kay CENRO-GenSan Agricultural Technician na si Prince Tampus, ang pagkakakita sa mga ahas sa mga bahay ay indikasyon na nasisira na ang natural na tirahan ng mga ahas.
Maaaring naghahanap umano ng pagkain ang mga ahas gaya ng mga daga kaya sila napupunta sa ibang lugar.
Sinabi ng mga awtoridad na mapanganib ang ganitong sitwasyon, lalo na kung makamandag ang ahas. Ang mga taong nakagat ng ahas ay dapat makatanggap kaagad ng anti-venom.
Gayunman, binigyang-diin ng CENRO na hindi dapat patayin ang mga ahas dahil protektado ang mga ito sa ilalim ng Wildlife Act.
Pinapayuhan ang mga residente na kung may makitang ahas sa kanilang bahay, manatiling kalmado at agad na tumawag sa BFP, CENRO, o sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR para humingi ng tulong. – FRJ GMA News
