Natuklasan ng ilang taga-Maynila na may kumukubra pa rin sa pensiyon ng mga kaanak nilang matagal nang patay matapos nilang makita na may pirma ang mga pangalan nito sa listahan.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing halos apat na taon nang patay ang 84-anyos na si Santos Conde, residente ng isang barangay sa Santa Ana.

Ipinagtaka ng kaniyang kaanak na may nagke-claim umano ng Social Pension na P500 kada buwan mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila.

Maliban kay Santos, may kumukuha rin sa pensiyon ng bayaw niyang si Efren De La Rosa, na apat na taon na ring patay.

Nakita ng kapatid ni Efren na kumuha ng sariling pensiyon, na nasa listahan pa ang kaniyang kapatid.

Dahil dito, agad silang dumulog sa Office for the Senior Citizens Affairs o OSCA ng Manila LGU.

Hanggang sa makita nilang may mga nakapirma sa pangalan nina Efren at Santos para sa payout ng Enero 2026 hanggang Marso 2026.

Hindi rin bababa sa 10 senior citizens sa nasabing barangay ang patay na pero nasa listahan pa rin at may kumukuha rin ng kanilang pensiyon.

“The worst thing is, nakakapag-payout sila. And then, may signatures pa. Ang malala, napipirmahan nila. Dino-doktor nila 'yung signatures,” sabi ni Dara Conde, nagrereklamo.

Sinabi ni Dara, na mga opisyal ng barangay lang ang may authority na humawak ng dokumento para sa payout sa benepisyaryo.

Matapos na malaman na lumapit sila sa OSCA, nakipag-ugnayan umano sa kanila ang kapitan ng barangay at iginiit na wala siyang alam sa insidente.

“Biruin niyo, sir, four years. Sa four years na ‘yun, kung hindi pa makita nu’ng Tita ko 'yung signature nu’ng Tito ko, hindi nila ide-declare 'yung mga senior na patay na? Nagmamakaawa 'yung chairman namin. Biglang sabi na, ‘Baka naman puwedeng iurong na lang kung anong gagawin. Ibibigay ko 'yung sahod nu’ng dalawa. Iurong niyo lang. Maling mali. Hustisya," sabi ni Dara.

Desidido ang pamilya ni Dara na ituloy ang reklamo laban sa barangay officials na sangkot umano.

Hindi makapaniwala sa nangyari ang asawa ni Lolo Santos na si Elsa, lalo’t malapit sa kanilang pamilya ang kapitan at sekretarya ng barangay.

"Hindi po namin akalain na gagawin na sa pamilya namin ng ganiyan. Ang hirap po ba tanggapin na gano'n? Kasi alam po ng buong barangay kung gaano kami kahirap,” sabi ni Elsa Dela Rosa.

Sinubukan ng GMA News na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay pero ayon sa ilang tanod na naka-duty, walang mga opisyal ng barangay na naka-duty sa mga oras na iyon.

Bukod sa imbestigasyon ng OSCA, dumulog na rin nitong Biyernes sa istasyon ng pulisya ang pamilya ni Dara para magsampa ng reklamo.

Sinabi ng pulisya na posibleng maharap sa patong-patong na reklamo ang mga sangkot sa nasabing ilegal na aktibidad, kabilang na ang malversation of public funds, falsification of public documents, at estafa.

Sinabi naman ng DILG na aalamin muna nila ang katotohanan sa likod ng kuwento bago magbigay ng komento.

Hinihintay pa ang tugon ng Manila LGU kaugnay sa insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA News