Timbog ang anim na suspek na nasa likod umano ng panghoholdap sa kapitan ng Barangay Suarez noong araw ng eleksyon sa Kinoguitan, Misamis Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, isinalaysay ng pulisya na pinasok ng mga armadong salarin ang bahay ng biktima pasado 3 a.m. ng madaling araw.

Pinadapa ng mga suspek ang mga tao sa bahay, at kinuha ang P40,000 at walong cellphone.

Ngunit gamit ang GPS ng ninakaw na gadget, nahanap ng mga awtoridad ang mga suspek.

Nabawi rin sa mga salarin ang pera at gadgets.

Nilinaw ng pulisya na hindi election-related violence ang insidente sa kabila na nangyari ito noong araw ng eleksyon.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News