Ilang mamimili ang dumayo na sa Bocaue, Bulacan para makabili ng mga paputok at pailaw. Habang papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon, tumataas na rin ang presyo ng ilang paputok.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isang magkakaibigan mula San Mateo, Rizal ang dumayo sa Bocaue para bumili ng paputok at pailaw para magamit sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa magkaibigan, sinadya nila ang Bocaue kahit pa marami nang nagbebenta online dahil gusto nilang masigurong legit o hindi peke ang mga paputok para iwas-disgrasya.
“Iba po kasi 'yung legitimacy po ng gawa talaga ng Bocaue. Talagang dito mo lang mabibili 'yung mga original na mga paputok eh,” sabi ng mamimiling si Jade Santos.
Dagdag ni Jade, limang taon na siyang namimili ng paputok sa Bocaue. Marami na umanong nagbago sa regulasyon at presyo ng mga ito kumpara noong mga nakaraang taon.
Sinabi naman ng tinderang si alyas “Erica,” na matumal pa sa ngayon ang bentahan ng mga paputok.
Nasa P150 hanggang P7,000 depende sa klase ang halaga ng mga paputok sa Bocaue.
Bawal din ang testing dito kaya mainam na panoorin na lang online ang mga pailaw at paputok na bibilhin.
Sinabi naman ng mga nagtitinda na hindi na tataas pa ang presyo ng kanilang mga paninda.
Nagsagawa na ng inspeksyon ang PNP at provincial government sa bentahan ng paputok sa Bocaue nitong nakaraang araw para matiyak na walang ilegal na ibinibenta rito.
Sa hiwalay na ulat naman ni Chino Gaston sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing mayroon din na galing sa Cavite at Tarlac para mamili ng paputok, na nakagawian na nilang gawing tuwing bagong taon.
Ayon sa mga fireworks retailers, nag-umpisang sumigla ang bentahan ng paputok nitong Huwebes ng gabi at inaasahang magpapatuloy hanggang sa bisperas ng bagong taon.
Kabilang sa mga tumaas ang presyo ay mga kuwitis, na naglalaro sa P2 hanggang P5 ang nadagdag sa presyo.
Mahigpit na nagbilin sa mga mamimili ang mga retailer na hindi dapat mabasa ang mga paputok, lalo’t ilang araw na maiimbak ang mga ito bago mag-Bagong Taon.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na sumunod sa patakaran para maiwasan ang aksidente sa pamilihan ng fireworks, gaya ng pagsunod ng tamang paghawak, pagtatabi, at bawal ng anumang testing ng paputok sa lugar.
Sumunod din sa mga patakaran tulad ng pagkakaroon ng fire extinguisher at standby na imbakan ng tubig sa kada fireworks stall.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
