Isa ang nasawi sa tama ng ligaw na bala na nagmula sa ipinutok na baril sa Tondo, Maynila nitong Huwebes, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Batay sa datos mula sa PNP ngayong Biyernes, nakasaad na nakikipag-inuman ang biktima sa Barangay Laurel nang tamaan siya ng bala dakong 12:50 a.m.
Hindi pa nahuhuli ang salarin, at patuloy pa ang imbestigasyon.
Mula December 16 hanggang 7:00 am ng December 26, inihayag ng PNP na pitong suspek ang naaresto dahil sa pagpapaputok ng baril.
Ang mga nadakip ay mula sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, Western Visayas, Caraga, Cordillera Administrative Region, at Negros Island Region.
Una rito, nagbabala ang PNP sa kanilang mga tauhan at maging sa mga nagmamay-ari ng baril na ipinatutupad nila ang “one-strike policy” laban sa indiscriminate firing ngayong holiday season.
“Ang baril ay hindi laruan at lalong hindi simbolo ng kawalan ng disiplina… Sa panahon ng selebrasyon, mas mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa. I-celebrate natin ang Pasko at Bagong Taon nang ligtas, tahimik, at walang napapahamak,” paalala ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. -- Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

