Dalawa katao ang patay, kabilang ang isang 7-anyos na bata, sa pagsabog sa isang umano'y ilegal na ng paputok sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, naganap ang insidente sa isang bahay sa Sitio Boquig, Barangay Bacayao Norte, Dagupan City.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na pasado 7 p.m. ng Huwebes nang maganap ang pagsabog.

Nagulat at nabulabog ang mga residenteng nagkakasiyahan sa isang Christmas party ilang metro ang layo mula sa bahay ng pinangyarihan ng pagsabog.

Sugatan ang ina at kapatid ng 7-anyos na bata.

Papunta sana sa Christmas party ang mag-iina nang eksaktong pagtapat nila sa bahay, may bigla na lamang sumabog.

Patay din ang 21-anyos na estudyanteng magpapagupit lang sana at napadaan lang din sa lugar nang maganap ang pagsabog.

Ayon sa ilang residente, liquefied petroleum gas (LPG) ang pinagmulan ng pagsabog. Pero may ilan ding nagsabing dulot ito ng mga paputok na naroon mismo sa ilegal na pagawaan ng paputok.

Kasalukuyang nag-iimbestiga ang awtoridad sa insidente at patuloy na hinahanap ang may-ari ng bahay.

Nasa pagamutan naman at patuloy na inoobserbahan ang apat na sugatan sa insidente. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News