Bigong madakip ng mga pulis si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag na nagpapanggap umanong trabahador sa isang manukan sa Lamut, Ifugao. Ang dating opisyal nang itinuturong utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid noong 2022.
Nitong Lunes, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nagsagawa sila ng operasyon sa isang poultry farm sa Barangay Pugol nitong Linggo pero bigo silang makita sa lugar si Bantag.
“Police conducted an operation at a poultry farm in Barangay Pugol, Lamut, Ifugao on November 1 after receiving information that Bantag was hiding there and posing as a poultry worker,” saad ng PNP sa isang statement.
Gayunman, tiniyak ng PNP na patuloy ang kanilang pagtugis kay Bantag, na pinaghahanap dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa brodkaster na si Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid noong 2022.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magpapatuloy ang pagsisikap ng mga awtoridad upang maisilbi ang warrant of arrest na inilabas ng korte laban kay Bantag.
“We will not allow the passage of time or repeated attempts to evade arrest to weaken our resolve. The PNP will remain relentless in pursuing those who are wanted by the law,” ani Nartatez.
“Every lead will be pursued, every lawful opportunity will be acted upon, and we will not stop until they are brought before the courts to answer for the charges against them,” dagdag nito.
Inilarawan ni Nartatez na ang isinagawang operasyon sa paghanap kay Bantag ay patunay umano ng determinasyon ng kapulisan na maaresto ang mga taong na pinaghahanap ng batas.
“This is not a setback but a proof that we remain relentless in locating and arresting him as well as other high-profile fugitives,” dagdag niya.
Nanawagan ang PNP sa publiko na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa mga awtoridad upang matunton si Bantag at iba pang mga wanted na tao.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na magbibigay ito ng P2 milyong pabuya para sa taong makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Bantag.
Abril 2023 nang ipag-utos ng Muntinlupa Regional Trial Court court ang pagdakip kay Bantag kaugnay sa pagkamatay ni Lapid, at Jun Villamor, ang umano’y ginamit na middleman sa pagpatay sa mamamahayag.
Nauna nang itinanggi ni Bantag ang mga paratang laban sa kaniya.—FRJ GMA News
