Nakaligtas ang limang magkakamag-anak sa Valenzuela City madaling-araw nitong Miyerkules sa pang-aatake ng kanilang house helper gamit ang martilyo at bara de kabra.

Bago ang pang-aatake, pinagnanakaw ng houseboy ang mga gamit at pera ng mga biktima habang mahimbing na natutulog ang mga ito. 

Ayon sa ulat ng GMA News, nangyari ang pang-aatake sa bahay mismo ng limang magkakamag-anak sa 58 Market Side sa Marulas district.

Kinalala ang suspek na si Ronnie Ralla, 26, na isang buwan pa lamang na namamasukan sa bahay ng kanyang mga biktima.

Hawak-hawak na umano ni Ralla ang P2, 000 cash, ATM at credit cards, at mobile phones ng mga biktima nang biglang may nagising na isa sa kanila.

Agad umanong humingi ng tulong, nagsisigaw, at gumawa ng alarma ang isa sa mga magkakamag-anak.

Nang magising ang iba pa, dito na umano nagsimula ang pang-aatake ng suspek, at gamit ang martilyo at bara de kabra, pinagpapalo nito ang kanyang mga biktima.

Mabuti na lamang umano at mga sugat lamang ang natamo ng mga magkakamag-anak. 

Nagising din ang mga kapit-bahay at napigilan at nahuli sa Ralla, na bugbog-sarado na nang mai-turn over sa mga pulis.

Nagpapagaling na sa ospital ang mga biktimang nasugatan. —LBG, GMA News