Bugbog ang inabot sa mga istambay ng isang lalaki matapos siyang maaresto dahil sa pangmomolestiya umano sa isang 14-anyos na dalagita sa Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tumakbo at nagkulong sa isang bahay ang suspek na si Lino Dialogo nang aarestuhin ng mga barangay sa Commonwealth, Quezon City matapos mangmolestiya ng dalagita.

Hindi kaagad napasok ang bahay na pinagtaguan ni Dialogo dahil sa armado ito ng itak at itinuturing na mapanganib dahil nakulong na sa kasong frustrated homicide.

Kaya naman walang nagawa ang mga tanod na armado ng batuta at dos por dos kung hindi hikayatin ang lalaki na sumuko.

Pero nadagdagan ang lakas ng loob ng tanod nang dumating na ang pulis at pakiusapan din ang lalaki na lumabas na at sumuko.

Nang hindi pa rin ito lumabas, sinipa na nila ang pinto ng bahay at pumuwesto sa gilid ang ex-o ng barangay.

Nang natiyempung inilabas ng suspek ang kamay na hawak ang nakaumang na itak, pinalo niya ito at pinagtulungang magapi ang malaking si Dialogo.

Pero habang pinoposasan, nakatikim siya ng mga sipa at suntok mula sa mga istambay saka siya iniharap sa kapitan ng barangay.

Kapansin-pansin ang mga sugat nito sa mukha braso at leeg dahil sa pagkuyog ng mga istambay.

Napag-alaman na dalawang beses na raw minolestiya ng suspek ang biktima.

Kahit humingi ng tawad ang lalaki, desidido na ang dalagitang biktima at pamilya nito na sampahan siya ng reklamong pangmomolestiya at child abuse.

Ipinagamot muna ang suspek bago ibinigay sa pulisya.-- FRJ, GMA News