Lima ang patay habang 17 naman ang sugatan matapos sumalpok ang isang trak sa mga kabahayan at tindahan sa Taytay, Rizal nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat ni Manny Vargas sa dzBB, naganap ang insidente kaninang 9:45 a.m. sa may Cabrera Road, Barangay Dolores.

Pahayag ni Elmer Espiritu, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Taytay Rizal, pababa umano ang trak mula sa hilltop ng Taytay patungo sa rotonda na dulo ng Ortigas Extension nang sibunukan nitong iwasan ang isang tricycle sa harap nito.

Bagama't iniwasan, nahagip pa rin ang tricycle, hanggang sa nawalan na ng kontrol nang tuluyan ang trak at bumangga sa mga kabahayan na nagsisilbi ring mga sari-sari store.

Bumagsak umano ang dala nitong 20-foot container van sa mga walong traysikel at tatlong motorsiklo na nakaparada.

Kinumpirma ni Espiritu na lima ang nasawi, kabilang ang isang matandang babae at isang bata na nasa 2 hanggang 3 taong gulang.

Apat sa 17 na nasugatan ay naisugod sa Manila East Medical Center.

Ayon kay Superintendent Samuel Dolorino, hepe ng Taytay Police, sumasailalim na sa imbestigasyon ang driver ng 10-wheeler truck. — Jamil Santos/MDM, GMA News