Natagpuang buhay ang isang South Korean hiker na mahigit isang linggong pinaghahanap sa Mountain Province.
Ayon sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules, na-rescue ang 53-anyos na si Sung Kyu Choi, na hinang-hina na, sa isang masukal na gubat sa bayan ng Barlig.
Huling nakausap si Sung ng mga awtoridad sa pamamagitan ng mobile phone noong June 13, ngunit ang tanging nasabi lamang ng Korean ay "sa mapunong lugar" siya.
Natagpuan si Sung dakong 11:45 ng umaga noong June 20, Martes, sa Barangay Latang.
"He was weak in appearance and signs of dehydration were also noted," pahayag ni Jonas Chumacog, empleyado ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bontoc, Mountain Province.
Agad naman itong dinala sa Korean Embassy matapos malapatan ng lunas. —LBG, GMA News
