Apat ang patay sa Caloocan City, kabilang ang isang lalaking sangkot umano sa shabu tiangge sa lugar, sa operasyon ng mga pulis sa magdamag.

Ayon sa GMA News "Unang Balita" ni Victoria Tulad nitong Miyerkules, napatay si Lemon Gonzales, 35-anyos, sa police operation sa Phase 2, Brgy 176, Bagong Silang, Caloocan, kaninang madaling araw.

Ayon sa ina ni Lemon na si Elena, natutulog sila nang biglang may pumasok sa kanilang bahay. Nasa banyo umano si Lemon dahil masakit ang tiyan nito.

"'Yung anak ko, nasa kubeta. Sabi niya, 'Sir nandito po ako, hindi po ako lalaban. Pumutok na lang po ['yung baril]. Hindi po namin mga kilala ['yung mga bumaril]."

Pahayag ng kapatid ni Lemon o Mon Mon, napagkamalan lang siya dahil marami sa kanila ang may kaparehong palayaw.

Naiwan ni Lemon ang kanyang limang anak na maliliit pa.

Ayon naman kay Rolly Cebu, executive officer ng naturang barangay, napaslang si Lemon sa engkuwentro sa mga pulis.

Sinabi ni Cebu na kabilang si Lemon sa drugs watchlist at pinaghihinalaang isa sa mga sangkot sa isang shabu tiangge sa kanilang lugar.

"Ayon sa informant namin, follow-up operation 'to. Hot pursuit, tumakbo, pumasok na dito, may baril pang dala. Siyempre, ang otoridad natin defensive," sabi ni Cebu.

Ayon sa ina ni Lemon, nagdroga ang kanyang anak noon pero tumigil na at hindi ito sumuko sa Oplan Tokhang.

Wala rin daw kinalaman ang kanyang anak sa shabu tiangge.

"Sabi nila 'pag sumuko sa Oplan Tokhang, pinapatay din po," pahayag ng nanay ng Lemon.

Sa Phase 9 naman sa naturan ding siyudad, napatay sa police operation sina Joel Acle at Erickson Lakbayin.

Ayon sa imbestigador, sakay ng motorsiklo ang dalawa at isang hindi pa nakikilang lalaki nang patigilin sila sa checkpoint dahil walang helmet.
Pero nilagpasan lang daw ng tatlo ang checkpoint kaya hinabol sila.

Bumaba sa motorsiklo sina Acle at Lakbayin at tumakbo papunta sa bahay ni Acle. Doon na umano sila napatay ng mga pulis.

Nakatakas naman sakay ang motorsiklo ang isa pang lalaki.

Ayon sa isang residente, kilala si Acle bilang drug user at ang kasama naman ito ay isa umanong tulak.

"Sinasaway namin kaya lang ayaw nilang tumigil eh kasi ayaw nilang magtrabaho eh," pahayag ng residente.

Isa pang lalaki ang napatay sa Barangay 188, Tala district, bago mag-alas dos ng madaling araw.

Aarestuhin daw si John Paul Tatlonghari ng mga pulis dahil tulak siya ng shabu pero nakatunog daw ito at pinaputukan ang mga pulis kaya gumanti ang mga otoridad.

Isang kalibre .38 at apat na sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha kay Tatlonghari. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News