Inaalam na ng militar kung kasama ang isa sa mga lider ng Maute group na si Omar Maute, sa mga napatay sa sagupaan sa Marawi City.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ni Eastern Mindanao Command (Eastmincom) deputy commander Brig. Gen. Gilbert Gapay, na sinusuri nila kung kabilang si Omar sa mga bangkay na nakukuha sa teritoryo ng grupo.

"Actually, it's intelligence exchange from our troops and the Malaysian. Our troops are recovering many cadavers of Maute terrorists and 'yun nga, we are in the process of verifying 'yung mga personalities, 'yung identities nito," anang opisyal.

Idinagdag ni Gapay na nakikipagtulungan din ang militar sa kinatawan ng Malaysia para alamin kung kasama rin sa mga napatay ang Malaysian terrorist na si Mahmoud Amad.

Naniniwala naman ang militar na buhay pa ang Abu Sayyaf group leader na si Isnilon Hapilon at ang isa pang lider ng Maute na si Abdullah.

Una nang sinabi ng mga awtoridad na plano sanang arestuhin si Hapilon sa Marawi nang mangyari ang kaguluhan na nauwi sa matinding sagupaan na tumagal ng halos isang buwan. -- FRJ, GMA News